November 29, 2024 | Friday

UVCC Daily Devotion

Ang Diyos Ay Kilalanin At Sambahin

Today's Verses:  John 4:21–22 (FSV)

21Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, maniwala ka sa akin, na darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. 


Read John 4

May ‘sense’ ba kung sasambahin mo ang Diyos?


Sa Juan 4, nakatagpo si Jesus ng isang Samaritang babae sa balon. Inialok Niya sa kanya ang "buhay na tubig" at ipinakita ang Kanyang kaalaman tungkol sa buhay ng babae, kabilang ang kanyang mga relasyon. Nagulat ang babae at kinilala si Jesus bilang Mesiyas. Dahil dito, ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa kanyang komunidad, at marami ang naniwala kay Jesus dahil sa kanyang testimonya.


Ang tunay na pagsamba sa Diyos ay may malalim na kahulugan at praktikal na benepisyo. Hindi ito basta pagkilala sa Diyos, kundi ang pag-aalay ng ating buong ‘focus and attention’ sa Kanya. Marami ang hindi alam kung paano o ano ang tunay na pagsamba. Isang karaniwang tanong ay, “May kabuluhan ba talaga ang pagsamba ko?” Mahirap isagawa ang pagsamba sa Diyos, at ito’y makikita sa ating mga gawa—sa pagdalo sa simbahan, pagbabasa ng Biblia, at paggawa ng kabutihan. Subalit, madalas ang katamaran at kaabalahan sa buhay ay nagiging sagabal sa ating tapat na pagsamba. Ayon kay Jesus, may mga tao na sumasamba sa Diyos ngunit hindi nila Siya tunay na kilala. Marami pa tayong dapat matutunan at madiskubre tungkol sa Kanya. Ang mga alalahanin natin sa pera, trabaho, negosyo, gadgets, at pangarap sa buhay o kaya mga problema ay humihila ng ating atensyon mula sa tunay na pagsamba. Kaya’t nananatili ang hamon sa lahat ng tao na sumamba ng may lumalagong pagkilala sa tunay na Diyos.


Sumamba ka ng tapat at buong puso. Ibigay ang ‘focus and attention’ sa Diyos at kalabanin ang katamaran, kaabalahan, at mga problema. Itaguyod ang pagkilala sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisimba, pagbabasa ng Biblia, at paggawa ng kabutihan sa kapwa. Alisin ang anumang distractions na humihila ng iyong atensyon palayo sa Diyos. Patuloy na mag-aral at magdiscover ang kadakilaan ng Diyos. Sumamba ngayon ng may tunay na pagkilala.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, ako po ay nagpapakumbaba at humihingi ng kapatawaran. Ako po ay may pagkakataong naligaw. Muling pasiglahin ang aking espiritu. Itama Mo ang aking ‘focus and attention’ patungo sa Iyo. Tulungan Mo akong sumamba nang tapat at totoo.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Kings 25

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions