November 26, 2024 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

Malasakit Ayon Sa Pananaw Ni Jesus

Today's Verses:  Matthew 7:12 (MBBTag)

“Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”


Read Matthew 7

Napansin mo ba ang pagkakaiba ng "Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo" ni Jesus at "Huwag gawin sa iba ang hindi mo gusto na gawin sa iyo" ni Confucius?


Sa Mateo 7, tinatalakay ni Jesus ang mga prinsipyo ng tamang paghuhusga, pananampalataya, at pagdarasal. Binibigyang-diin niya ang paghahanap ng tamang landas at ang pagpapakita ng kabutihan sa iba. Itinuturo din ni Jesus na ang pagtrato sa kapwa ayon sa nais mong trato sa sarili ay susi sa tunay na malasakit at pagkakaisa.


Magandang pag-isipan ang tunay na kahulugan ng “malasakit.” May mga nagsasabi na basta hindi mo ginagawan ng masama ang kapwa mo, ay tama na iyon. Wala kang inaabuso o ginagawan ng kasalanan. Ngunit ayon sa maka-Bibliang pananaw, wala itong tunay na malasakit. Magandang hindi mo ginagawan ng masama ang kapwa, pero ang tanong ay, nagawan mo ba siya ng mabuti? Kung hindi, parang hindi nawalan ng masama, pero hindi rin nagkaroon ng kabutihan. Para kay Jesus, ang malasakit ay ang paggawa ng mabuti sa iba. Ang malasakit ay ang kakayahang maunawaan at makibahagi sa nararamdaman ng iba, hindi batay kung ikaw ay ginawan ng mabuti o hindi. Ang malasakit ay nakakahawa — parang “pay-it-forward.” Hindi mahalaga kung ang mabuti ay ginawa nila sa iyo o sa ibang tao, ang mahalaga ay ang kabutihang ginawa mo. Sa ganitong paraan, lalaganap ang paggawa ng mabuti at mas maraming tao ang magiging kabahagi ng layunin ng “buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.”


Magnilay at magpatuloy sa paggawa ng tunay na malasakit. Huwag magpalinlang na basta hindi ka gumagawa ng masama ay sapat na. Ayon kay Jesus, ang malasakit ay hindi lamang pag-iwas sa masama, kundi ang aktibong paggawa ng mabuti sa iba. Maunawaan ang nararamdaman ng kapwa at magbigay ng tulong, hindi alintana kung paano ka tinrato. Gamitin ang iyong buhay upang magdala ng pag-asa at kabutihan, at hayaang ang iyong malasakit ay magsanhi ng pagbabago at magpalaganap ng layunin ng Diyos sa mundo.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, tulungan Mo akong maunawaan ang tunay na kahulugan ng malasakit. Huwag Mo akong hayaan na magkasya sa hindi paggawa ng masama, kundi turuan Mo akong gumawa ng mabuti para sa iba. Bigyan Mo ako ng puso na may malasakit at handang mag-alay ng tulong, anuman ang natamo ko. Gamitin Mo ako upang magdala ng pag-asa at kabutihan sa aking kapwa. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Kings 21-22

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions