November 27, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
Pagpapakumbaba At Bagong Simula Kay Jesus
Today's Verses: John 8:10-11 (FSV)
10 Tumingala si Jesus at sinabi sa kanya, “Ginang, nasaan sila? Wala bang humusga sa iyo?” 11 At sinabi ng babae, “Wala, Ginoo.” At sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita huhusgahan; humayo ka, at huwag nang magkasala.”
Read John 8
May pagkakataon ba na feeling mo failure ka at dahil doon ay may panghuhusga ka sa iyong sarili?
Sa John 8:1-11, dinala ng mga Fariseo at guro ng batas kay Jesus ang isang babaeng nahuli sa pangangalunya. Tinanong nila si Jesus kung dapat ba siyang batuhin ayon sa batas. Plano nilang ipahulog si Jesus sa bitag. Ang tugon ni Jesus ay ang pagsasabi na ang walang kasalanan lamang ang may karapatang magparusa. Walang natira sa mga umuusig. Ang babae ay hindi hinusgahan ni Jesus ngunit inutusang huwag nang magkasala.
Ang mga pagkakamali o kapalpakan sa buhay ay madalas magdulot ng negatibong emosyon tulad ng lungkot, paninisi sa sarili, at pagkabalisa. Minsan, maaaring mawalan tayo ng pag-asa at makaramdam ng inggit sa mga taong parang hindi nagkakamali. May mga pagkakataong pakiramdam natin ay mas madali ang mag-give up kaysa magpatuloy. Ngunit anuman ang mga pagsubok at negatibo nating karanasan, ang mga ito ay pwedeng magdala sa atin sa paanan ni Jesus upang maghanap ng liwanag at pag-asa. Kung gayon, ang taong may madilim na kaisipan ay unti-unting maliliwanagan, natututong magpatawad sa sarili, at nagkakaroon muli sa buhay ng may tapang at pananampalataya. Totoo na may mga pagkakataong nararamdaman natin ang bigat ng buhay at ang presyon ng mga pagsubok. Subalit sa pagpapakumbaba at pagtitiwala kay Jesus, itinutuwid Niya ang ating landas, tinutulungan tayong makawala sa paninisi at panghuhusga, at binibigyan tayo ng tunay na kalayaan mula sa kasalanan.
Sa kabila ng pagkakamali, kasalanan, o pagsubok, huwag mong hayaan na ang negatibong emosyon ay magtagal. Lumapit ka kay Jesus at humingi ng liwanag at pag-asa. Ibigay mo ang iyong pasanin sa Kanya at magtiwala na itutuwid Niya ang iyong landas. Tanggapin ang Kanyang pag-ibig, patawarin ang iyong sarili, at magpatuloy nang may tapang. Huwag mag-give up — ang kalayaan sa kasalanan at ang bagong simula ay matatagpuan lamang kay Jesus.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ipinagpapasalamat ko ang iyong walang hanggang pag-ibig. Humihingi ako ng kapatawaran sa aking mga kasalanan at pagkakamali. Linisin Mo po ako at tulungan akong magpatuloy sa buhay nang may pananampalataya, katotohanan, at tapang. Bigyan Mo ng liwanag ang aking landas. Salamat sa iyong kalayaan.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga bahagi ng buhay ko na kailangan ko ng pagpapatawad at kagalingan?
Bakit may mga pagkakamali sa nakaraan mo na humadlang sa iyong paglago?
Paano ko mas mapapalalim ang pagtitiwala kay Jesus tungo sa gabay at pagbabago sa aking buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions