December 3, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Sapagkat Sa Puso Nagmumula
Today's Verses: Matthew 15:18–19 (FSV)
18Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at iyon ang nagpaparumi sa tao. 19Sapagkat sa puso nagmumula ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait.
Read Matthew 15
Totoo ba na ang mga sinasabi at ginagawa natin ay may kinalaman sa nilalaman ng puso natin?
Sa Matthew 15, binabago ni Jesus ang pananaw ng mga tao tungkol sa kalinisan ng moralidad. Hindi ang mga panlabas na ritwal tulad ng paghuhugas ng kamay ang nagiging sanhi ng karumihan, kundi ang mga kasalanang nagmumula sa puso, tulad ng poot, kasinungalingan, at kasalanang moral. Para kay Jesus, may kinalaman sa kalinisan ng moralidad ng tao ang nilalaman ng puso.
Maraming tao ang abala sa pagpapaganda, pagpapasexy, at pagpapalaki ng katawan. Kailangan ng oras, pera, at dedikasyon para magawa ito. Wala namang direktang mali sa pagnanais ng mga bagay na ito. Ngunit may mas mahahalagang bagay na dapat pagtuunan ng pansin — ang ating moralidad. Ang "moralidad" ay tumutukoy sa mga prinsipyo ng tama at mali na nagtatakda kung paano tayo dapat kumilos. Ang batayan pa rin ng makadiyos na moralidad ay ang Biblia. Ang panlabas na anyo ay kasing halaga ng kaayusan ng ating pagkatao at ugali. Itinuturo ni Jesus na hindi lamang ang mga panlabas na gawain ang mahalaga, kundi pati na rin ang kalinisan ng ating puso. Ang masasamang pag-iisip, pagpaslang, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsisinungaling, at panlalait ay ilan sa mga kasalanang nagmumula sa ating puso. Totoo, tayo ay nagkakasala, ngunit may malaking kaibahan ang nagkakasala at ang nagpapatuloy sa kasalanan. Kailangan natin ang Salita ni Jesus bilang gabay sa tamang pamumuhay na ayon sa makadiyos na pamantayan.
Gawan ang kapwa ng kabutihan at ng may mabuting layunin. Huwag pagtuunan lamang ang panlabas na anyo, kundi maging ang kalinisan ng isip at puso. Iwasan ang masasamang pag-iisip tulad ng galit, paninirang-puri, at kasinungalingan. Itaguyod ang makadiyos na pamumuhay sa pamamagitan ng paggawa ng tama, paggalang sa kapwa, at pagkakaroon ng malinis na intensyon. Magtulungan tayo upang mas mapabuti ang ating sarili at ang ating komunidad sa pamamagitan ng mga tamang desisyon at ugali.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, humihingi po ako ng kapatawaran sa lahat ng aking pagkakamali. Alam ko po na ako’y nagkakasala. Humihingi ako ng tulong upang magbago sa gawa at pag-uugali. Gabayan Mo po ako sa pamamagitan ng Iyong Salita at ng Banal na Espiritu. Nawa’y mas matutunan kong magpakita ng kabutihan at malasakit sa aking kapwa.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang kinalaman ng puso sa makadiyos na moralidad?
Bakit mas mahalaga ang makadiyos na moralidad kaysa panlabas na anyo?
Paano nangyayari ang gabay ng Salita at ng Banal na Espiritu sa makadiyos na pamumuhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions