February 1, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Kay Yahweh Mula Ang Tulong
Today's Verse: Psalm 4:5-6 (MBBTag)
5 Nararapat na handog, inyong ialay, pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay. 6 Tanong ng marami, “Sinong tutulong sa atin?” Ikaw, O Yahweh, ang totoong mahabagin!
Read Psalm 4
Sa panahon ng pangangailangan, kalungkutan, o kaguluhan, ang tulong ng Diyos ay sigurado dahil siya ay mahabagin.
SI Haring David ay mahusay sa pagsalaysay sa kung sino si Yahweh. Nagagawa niyang iparating sa mga nagugulumihanan na ano man ang pinagdaraanang kaguluhan ay mayroong nakahandang pagtulong ang Diyos na si Yahweh! Mas kilala ni Haring David si Yahweh. Kaya ipinapaalala niya na ang Diyos na si Yahweh pa rin ang takbuhan nila bilang mga Israelita.
Ang Diyos ay may tulong na nakahanda kapag tayo’y tatawag sa Kanya. Kailangan natin ang tulong ng Diyos sa marami nating mga kalalagayan tulad ng finances, relationships, trials, health, etc. Ang tulong mula sa Diyos ay nagbibigay ng kapayapaan, kapatawaran, kaayusan, kalusugang pisikal at espirituwal, kapanatagan. Ang tulong mula sa Diyos ay nagpapalaya sa atin sa anumang negatibong kaisipan. Ang mga taong lumalapit sa Diyos ay napapalaya Niya mula sa poot, kalituhan, at kasinungalingan sa mundo dahil sa impluwensya ng diablo. Dahil sa tulong ng Diyos, ang lumalagong Kristiyano ay nagliliwanag gaya ng ilaw. Siya’y nagdadala ng pag-asa, ng pag-ibig, at ng excitement sa buhay dahil sa lumalalim na pakikipag-fellowship sa Holy Spirit.
Humingi ng tulong sa Diyos. Huwag mag-alinlangan. Magtiwala tayo sa Diyos at magkakaloob Siya ng kalayaan sa anumang dalahin na meron tayo. Marami tayong magagawa kung tayo ay may kalayaan na sumasamba at naglilingkod sa Diyos. Idulog ang sarili at ang family sa Panginoon. Alamin ang kalooban ng Diyos sa iyong buhay. Manalangin ayon sa kalooban ng Diyos. Kasunod nito ay matiyagang antabayanan ang kasagutan at pagtulong ng Diyos. Magtiwala sa Diyos.
Panalangin:
Ikaw ay mabuti aking Diyos Ama. Walang sawa ang iyong mga tulong sa kumikilala sa Iyo at humihingi ng tulong sa Iyo. Patawarin mo ako sa aking mga pagdududa. Tulungan Mo ako sa aking mga problema. Sa iyo ang aking buhay.
Sinasamba kita. In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Anong ugali ang nararapat na taglayin ng isang tao na nais lumapit sa Diyos at humingi ng tulong?
Saang bahagi ng iyong buhay na kailangan mo ang tulong ng Diyos?
Papaano nagbibigay ng tulong ang Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions