January 19, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Kasiyahan, Kaingatan, at Pagpapala
Today's Verse: Psalm 5:11–12 (MBBTag)
11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan, at lagi silang aawit nang may kagalakan. Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal, upang magpatuloy silang ika'y papurihan. 12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid, at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.
Read Psalm 5
Kasiyahan, kaingatan, at pagpapala ang tugon ng Diyos sa mga tao na sa Kanya’y humihingi ng tulong, nagmamahal, at namumuhay ng may katuwiran.
Gawain ni Haring David na maging focused sa Diyos. Ang puso niya’y nakatuon sa Diyos. Hindi mag-aatubili si David na humingi ng tulong sa Diyos. Higit sa lahat, kanyang hinihikayat ang mga tao na mahalin din ang Diyos at mamuhay ng may katuwiran. Ini-enganyo ni Haring David ang mga tao tungo sa kasiyahan, kaingatan, at pagpapala na ang Diyos lamang ang tunay na makapagbibigay.
Hindi madamot ang Diyos. Ang Diyos na inihahayag sa Biblia ay generous na Diyos. Nais ng Diyos na tayo ay mabigyan ng kasiyahan, kaingatan, at pagpapala. Ganap na buhay ang naisin Niya para sa atin. Higit pa riyan, ang samu’t-saring kabutihan ng Diyos ay hayag at available sa atin – lalo na sa mga lumalagong Kristiyano. Ang lumalagong Kristiyano ay hindi nahihiyang humingi ng tulong sa Diyos. Alam niya na ito ay pagpapakita ng tiwala at pagpapakumbaba sa Diyos. Ang lumalagong Kristiyano ay nagmamahal sa Diyos. Ang kanyang pag-ibig sa Diyos ay ramdam ng Diyos. Ang lumalagong Kristiyano ay namumuhay ng may katuwiran. Siya ay masunurin sa salita at sa gawa.
Maging focused sa kung sino ang Diyos. Kilalanin natin Siya. Alamin natin ang nagpapangiti at nagpapasaya sa Kanya. Ito ay pagpapakita ng ating pagmamahal sa Kanya. Tuklasin natin ang kalooban ng Diyos. Hayag ito sa Biblia. Nahahayag ang kalooban ng Diyos sa mga puso na lumalapit ng may nagpapakumbaba, pagtitiwala, may respeto, at pagsunod sa Diyos. Gamitin ang buhay natin at lahat ng meron tayo para ipakilala ang Diyos sa mga kaibigan at mga kamag-anak.
Panalangin:
Mabuting Diyos Ama, ikaw ang ‘source’ ng tunay na kasiyahan, kaingatan, at pagpapala. Patawarin mo ako sa minsanan o dumadalas na pagiging out of focus. Turuan mo akong ibigay ang aking attention sa iyo. Araw-araw, anuman ang aking problema’t dalahin, ikaw pa rin ang aking mapangiti at mapasaya. Salamat at Ikaw ay tunay na mabuti sa iyong mga anak.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang klase ng kasiyahan, kaingatan, at pagpapala na kayang ibigay ng Panginoon Diyos?
Papaano maging focused sa Diyos ngayong 2024?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions