January 15, 2024 | Monday
Maayos Na Relasyon Sa Diyos
Today's Verse: Matthew 6:14-15 (FSV)
14 Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang iba sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. 15 Ngunit kung hindi kayo nagpapatawad sa mga pagkakasala ng iba, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga pagkakasala.
Read Matthew 6
Ang maayos na relasyon sa Diyos ay bunga ng pagpapatawad natin sa ating kapwa.
Mapapansin na pinahahalagahan ni Jesus ang pagpapatawad. Madalas niya iyong sabihin Sa pagkakataon na ito sa ating verse, ang itinuro ni Jesus patungkol sa pagpapatawad ay may kinalaman sa maayos na relasyon sa Diyos.
Ang pagpapatawad sa kapwa na nagkasala sa atin ay para sa ating kapakanan. Ang pagpapatawad sa ibang tao anuman ang kanilang kasalanan ay pangunahin sa maayos na relasyon sa Diyos. Napakahalaga ang palagiang koneksiyon natin sa Diyos. Ang hindi pagpapatawad ay nagdi-disconnect sa atin sa Diyos. Ang iba’t ibang bunga ng pagiging disconnected sa Diyos ay kawalan ng kapayapaan, pagiging bugnutin o maiksi ang pasensiya, kawalan ng focus, at iba pang negatibong bagay. Naisin ng Diyos na ma-enjoy natin ang Kanyang kalooban. Nais din Niyang tayo’y maging blessed, mapayapa, magalak, at may patutunguhan ang ating buhay. Ang Diyos ay naisin na araw-araw natin siyang naaalala at maayos na nakalalapit sa Kanya. Away ng Diyos na mapawalay tayo sa Kanya kahit saglit. Tandaan: hindi simple ang sakripisyo ni Jesus para tayo ay mapatawad sa ating mga sala,
Kaya tayo’y magpatawad. Mag-move on na. Ating i-enjoy ang presensiya ng Diyos sa ating buhay. I-enjoy natin ang pagpapatawad ng Diyos sa ating pagpapakumbaba sa Kanya. Tumanggap ng pag-ibig ng Diyos tuwina. Iparamdam natin sa ating mga mahal sa buhay ang natatanggap nating pag-ibig at kapayapaan ng Diyos.
Panalangin:
Napakabuti mo, aking Diyos Ama. Kapag kami ay humihingi ng tawad sa iyo, Ikaw ay may sapat na pag-ibig para kami ay patawarin. Ngayon, i-level-up mo ang aming pagtanggap ng Iyong pagpapatawad sa pamamagitan ng aming pagpapatawad sa aming kapwa. Ilapit mo kami sa Iyo.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ayon sa pananaw ni Jesus, ano ang pagpapatawad?
Bukod sa pagpapatawad ng Diyos sa atin dahil sa ating paghingi ng tawad sa Kanya, bakit next level ng relationship natin sa Diyos ang pagpapatawad sa kapwang nagkasala sa atin?
Papaano magpatawad ng magaan sa puso?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions