January 11, 2024 | Thursday
Ang Pagiging Ama Ng Diyos
Today's Verse: Matthew 5:16 (FSV)
Sa gayunding paraan ay paliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.
Read Matthew 5
Ang pagiging Ama ng Diyos ay pangunahin kung gusto nating makagawa ng mabuti at maparangalan ang Diyos
Ipinakilala ni Jesus ang Diyos bilang Ama sa mga aba at dukha ng lipunan. Bagamat hindi bago sa mga Israelita ang konsepto na ang Diyos ay Ama, inilahad ito ni Jesus sa mas mauunawaang paraan. Kaakibat ng pagiging Ama ng Diyos ay ang naisin Niya na Siya ay maluwalhati ng Kanyang mga anak. Ang paluwalhati na ito sa Diyos Ama ay ang pagiging ilaw ng tao kapwa tao sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.
Ang Diyos ay Ama. May masidhing naisin ang Diyos Ama na pagpapalain at pakitaan ng kabutihan ang Kanyang mga anak. Ang mga anak na Diyos na kumikilala at tumatawag sa Diyos bilang Ama ay may ilaw na nagliliwanag. Sila ay may kakayanang magliwanag. Ito ay galing sa Diyos Ama. Ang mga anak ng Diyos Ama ay may kakayanang magliwanag gamit ang mga mabubuting gawa. Sila ay may kakayanang mapangiti ang Diyos. Kapag nakita ng mga tao ang mga mabubuting gawa natin, tayo din mismo ang mga tao na magluluwalhati sa Diyos.
Siguraduhin na ikaw ay anak ng Diyos. Tumawag sa Diyos. Kilalanin ang Diyos. Ipakilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Diyos sa iyong buhay, ikaw ay magliwanag dahil sa iyong mabubuting gawa. Hindi mo kailangang pilitin na maparangalan ang Diyos. Kung ikaw ay may relasyon sa Diyos Ama, ang paggawa mo ng mabuti ay nagiging natural at hindi sapilitan. Mas mauunawaan mo ang katotohanan na ito habang ikaw ay umuusad sa pananampalataya bilang lumalagong Kristiyano.
Panalangin:
Ako ay lumalapit sa Iyo. Ikaw ang Diyos Ama. Ako ay nananalig sa Iyo. Nais kitang makilala. Nais ko na gawin mong totoo ang aking pananampalaataya sa Iyo. Magawa kong magliwanag sa pamamagitan ng iyong ilaw. Ako ay magliwanag dahil sa paggawa ko ng mabuti. Maparangalan kita sa pamamagitan ng aking mga gawa.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Bakit mahalaga na may connection ako sa Diyos bilang aking Ama?
Ano ang iyong kasiguraduhan na ang Diyos ay iyong Ama?
Papaano ko magagawa na magliwanag ang aking buhay at maparangalan ko ang Diyos Ama?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions