January 10, 2024 | Wednesday
Ang Diyos Lang Ang Mabuti
Today's Verse: Luke 18:18-19 (FSV)
18 Isang pinuno ng mga Judio ang nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 19 Sumagot si Jesus, “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba!
Read Luke 18
Ang Diyos ay mabuti! Ito ay dapat na maunawaan at maipamalita sa tao.
Nang sabihan si Jesus na siya ay mabuti, agad niyang itinuon ang pansin ng nagsabi sa Diyos. Sinabi ni Jesus na, “Ang Dios lang ang mabuti, wala nang iba!”. Kapansin-pansin na hindi inangkin ni Jesus ang papuri. Bagkus itinuro niya sa lalaki ang kabutihan ng Diyos. Mapapansin din na ang sagot ni Jesus sa tanong ng lalaki ay tungkol sa mga utos ng Diyos. Alam ni Jesus ang mga utos ng Diyos ay nagpapahayag ng kabutihan ng Diyos.
Totoo na ang Diyos ay mabuti. Naisin ng mabuting Diyos na maipangalat natin bilang tao ang Kanyang kabutihan. Ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya. Mahalaga na maunawaan talaga ng tao kung gaano kabuti ang Diyos. Kahit basic na pang-unawa tungkol sa kabutihan ng Diyos ay maghahatid ng dakilang pangyayari sa buhay natin bilang mga tao. Naisin ng Diyos na maiparanas ang kabutihan Niya sa atin. Naisin ng Diyos na mapansin natin ang ginagawa Niya at mga kaya pa Niyang gawin. Sa mga panahon na hindi natin siya napapansin, patuloy pa rin ang kabutihan ng Diyos. Lalo na kung ang pansin at pagsunod natin ay nakatuon sa Kanya,
Bigyan pansin ang kabutihan ng Diyos. Tingnan ang paligid at nagkalat ang mga patunay na mabuti ang Diyos. Tingnan ang kabutihan ng Diyos sa iyo at sa iyong pamilya. Sa gitna ng anumang problema ay hindi ka iniwan o pinabayaan ng Diyos. Sinala niya ang mga pagsubok na dumating o paparating pa lamang. Mas unawain kung sino talaga ang Diyos. Ang Diyos ay higit pa sa kaya mong isipin tungkol sa Kanya. Hindi nauubusan ang Diyos sa kabutihan. Ipamalita ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanya.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ako ay nagpapakumbaba sa iyong kabutihan sa akin. Salamat sa buhay na gawad mo sa akin. Salamat sa iyong mga utos na lalong naghahayag ng iyong kalooban para sa akin. Nawa, ako ang laging maging inspired ng kabutihan mo tungo sa laging pagsunod sa Iyong mga utos
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano kapansin-pansin sa buhay at sa kapaligiran na patunay ng kabutihan ng Diyos?
Nung kausap ni Jesus ang mayamang binata, bakit itinuon niya ang usapan sa pagiging mabuti ng Diyos?
Anu-ano ang iyong mga sariling patunay na ang Diyos ay mabuti sa iyo at sa iyong pamilya?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions