January 9, 2024 | Tuesday
Inspirasyon Para Manalangin
Today's Verse: 1 Thessalonians 1:2–3 (FSV)
2 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming dalangin. 3 Sa mga dalangin nami'y ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang gawain ninyo na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagsisikap dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiyaga dahil sa inyong matibay na pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
Read 1 Thessalonians 1
Ang inspirasyon para manalangin ay para makalinga natin ang bawat isa papalapit sa Diyos.
Si Apostle Pablo ang na-inspire dahil sa mga kapatiran sa Tesalonica. Kanya itong kinakalinga ng personal. Kahit na siya ay nakulong nadahil sa pangangaral ng Mabuting Balita, kanya pa rin itong kinakalinga. Ang pagkalinga ni Pablo ay lalong umigting dahil sa napakamasigasig na tugon ng mga kapatiran sa Tesalonica. Kaya hindi mapigilan ni Pablo na sabihing ‘Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming dalangin’.
Ang manalangin para sa kapakanan ng iba ay isang natatanging klase ng panalangin. Kailangan natin na ipanalangin ang ating mga mahal sa buhay at mga kapwa mananampalataya. Anumang level, sila madalas ang malapit sa ating puso dahil sila ang inilagay ng Diyos para makadaupang palad natin sa buhay. Ang pamilya na binubuo ng parents at mga kapatid, in-laws, pamangkin o apo ay mahalaga. Mahalaga din ang espiritual na pamilya na binubuo ng mga kapwa naniniwala at tumanggap sa Panginoong Jesus. Sila na nagpapatuloy sa buhay at pananampalataya sa kalagitnaan ng mga problema’t pagsubok. Sila ang kailangan nating ipanalangin.
Laging maging ‘inspired’. Tingnan ang kalalagayan ng mga kapamilya at mga kapatiran. Maging inspired tayo sa pagsisikap ng iba na lumago sa Panginoon. Sila din ay ating i-inspire ng ating sigasig sa Lord. Palakasin natin ang kalooban ng bawat isa. Ipanalangin natin ang bawat isa ng buong puso na ‘inspired’. Tayong lahat ay dapat magpanalanginan para mas maging matatag, mapagmahal, mapaglingkod, nagkakaisa, atbpa.
Panalangin:
Diyos Ama, salamat sa walang sawa mo pangangalaga sa amin. Ikaw ay mabuti. Pagpalain Niyo ang aking pamilya at aking mga kapwa mananampalataya. Tulungan niyo po kaming maging malakas, magawa namin na magpalakasan, at maging inspirasyon ng bawat isa para magpatuloy sa buhay at sa pananampalataya.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang pananalangin at bakit ito mahalaga lalo na sa lumalagong kristiyano?
Paano na-inspire si Pablo dahil sa mga taga-Tesalonica?
Paano mo magagawa na maglevel up ang iyong prayer life ngayong taon?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions