January 13, 2024 | Saturday
May Gantimpala Sa Pananalangin
Today's Verse: Matthew 6:6 (FSV)
Subalit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid, isara mo ang pintuan, at manalangin ka sa iyong Amang hindi nakikita. At gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita sa mga lihim na bagay.
Read Matthew 6
Lumapit at mananalangin sa Diyos Ama. Ang taos-puso at lihim na panalangin ay may may gantimpala mula sa Diyos.
Payo ni Jesus ang lihim na panalangin. Ang Ama ang ating pinananalanginan. Sinabi ni Jesus na Siya ang focus ng sikretong pananalangin. Ayong kay Jesus, ang Diyos Ama ay may gantimpala para sa mga taong nananalangin ng lihim at personal na nakikipagusap sa Diyos na hindi nakikita.
Mahalaga sa Diyos ang iyong panalangin. Naisin ng Diyos na tayo’y nananalangin. May pagpapala at gantimpala ang Diyos sa atin kapag napagtagumpayan natin ang ating katamaran o iba’t-iba nating kaabalahan para manalangin. May gantimpala mula sa Diyos ang panalanging may pagpapakumbaba. Ayaw ng Diyos ng panalanging panlabas lamang, pakitang tao, o wala sa focus at lumilipad sa malayo ang kaisipan. Bagamat gusto ng Diyos na nananalangin tayo ng naririnig din ng iba, ang panalanging ikaw at ang Diyos lamang ang nakakaalam ay Kanyang mas pinahahalagahan. Gusto ng Diyos na naririnig ang iyong tinig. Hinahanap-hanap ng Diyos ang regular nating pakikipag-usap sa Kanya.
Maglaan ng oras at tamang lugar sa iyong pananalangin. Huwag matakot lumapit sa Diyos kahit tayo ay may kasalanan o pagkakamali. Never Siyang maninisi. Huwag mahiyang lumapit sa Diyos. Pahalagahan ang iyong pakikipagniig sa Kanya. Palaguin ang iyong relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng regular at lihim na pananalangin. Unti-unti man, mapagtatagumpayan natin ang anumang katamaran o kaabalahan. Mahal ka ng Diyos. Kapag ikaw ay nananalangin, bumubuhos ang Kanyang pag-ibig at nalulusaw ang anumang lungkot o pagkatalo sa problema
Panalangin:
Mabuting Diyos Ama, ako ay nagpapakumbaba sa iyo. Patawarin mo ako sa aking kasalanan at kamalian. Ikaw ang aking sandigan at tagapagpala. Abutin mo ako sa aking kalalagayan. Pawiin mo ang anumang pakiramdam ng pagkatalo sa problema. Ikaw ang aking katagumpayan.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Ano ang klase ng panalangin na katangap-tangap at may siguradong pagpapala mula sa Diyos?
Ano ang mga pangunahing hadlang bakit ang panalangin natin ay hindi umaabot sa Diyos?
Paano natin mapapalago ang pananalangin ng maraming Kristiyano?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions