January 17, 2024 | Wednesday

Buhay At Kapayapaan Dahil Sa Espiritu

Today's Verse: Romans 8:6 (MBBTag)

Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan.


Read Romans 8 

Available sa lahat ng tao ang buhay at kapayapaan. Nakakamanghang isipin na ang pagsunod sa Banal na Espiritu ay nagdudulot nito.


Si Pablo ay binago ng kanyang pagsunod sa Banal na Espiritu. Kaya ito ay buong kulit na itinuturo niya. Alam niya na hindi ang kanyang pagiging relihiyoso noon ang nagdulot ng buhay at kapayapaan sa kanya. Ito ay natagpuan niya sa pagiging masunurin sa kalooban ng Banal na Espiritu. Naiwasan ni Pablo ang kamatayan dahil sa pag-iwas at paglayo sa naising makalaman ng sarili niya. Siya ay natutong tumalima sa Diyos at sa Kanyang Espiritu.


Maraming kaguluhan sa mundo. Maraming tao ang kulang sa kapayapaan. Maraming tao ang mukhang maayos sa panlabas ngunit maraming kaguluhan sa loob. Maraming tao din ang nalilito sa talagang ibig sabihin ng pagkakaroon ng búhay na may kabuluhan. Andyan din na may mga tao na nawawalan ng kapayapaan sa puso. Dahil sa mga ito, kailangan natin ng buhay at kapayapaan na dulot ng pagsunod sa Banal na Espiritu. Ibinabahagi sa atin ng Biblia na pwede nating makamtan ang mga ito. Hindi madamot ang Diyos. Namimigay siya ng buhay at kapayapaan sa pamamagitan ng pagsunod sa Espiritu ng Diyos.


Sumunod sa Diyos. Buhay at kapayapaan ang resulta ng pagsunod. Mailap man ang kapayapaan sa maraming tao dahil sa pagsuway, ang buhay at kapayapaan ng Diyos ay available sa mga taong pinipili na sumunod sa Diyos. Isipin at harapin ang mga hamon ng buhay ng may kapayapaan ng Espiritu. Malaki ang kaibahan kapag may kapayapaan tayo na galing sa maayos na pagsunod sa Diyos. 

Panalangin:

Diyos ng buhay at kapayapaan, sakupin mo po ako ng iyong Espiritu. Gawin Mo po akong masunurin. Ilayo Mo po ako sa sarili kong kagustuhan na dinadala ako sa pagsuway sa Iyo. Espiritu Santo, ikaw ang masunod sa aking buhay.

In Jesus’ Name, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 John 1-2

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions