January 29, 2024 | Monday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Diyos Ang Gumawa
Today's Verse: Isaiah 43:21 (MBBTag)
Nilalang ko sila upang maging aking bayan, upang ako'y kanilang laging papurihan!”
Read Isaiah 43
Maraming dahilan para ang Diyos ay bigyan ng papuri at pagsamba. Sa bawat selula ng ating katawan ay nagpapahayag sa ating Manlilikha.
Ang Isaias 43 ay puno ng mensahe ng Diyos para sa kaligtasan ng kanyang bayang Israel. Ang pangako ng Diyos na sasamahan sila sa anumang hamon ng buhay ay gagawin niya ang lahat maging ang mga imposible. Naroon ang pagliligtas ni Yahweh upang palayain ang mga Israelita sa kamay ng mga taga-Babilonia. Naroon din ang pagpapakita Niya ng kanyang kapangyarihan upang bigyang daanan ang disyerto at magkaroon ito ng ilog. Kahit pa sa kabila ng pagtalikod ng Israel sa Kanya, patuloy Niya pa rin itong sinusuyo at pinatatawad. Isang malaking dahilan bakit Niya patuloy na ginawa para sa ang Israel ang mga ito: upang ang mga ito ay maghatid ng karangalan, kaluwalhatian at kapurihan sa Kanya.
Ang Diyos ay mabuti. Marami siyang ginagawa para sa ating buhay. May mga "signs, wonders and miracles", may mga pangako na hindi napapako, may mga pagpapala kahit may mga pagpapalo, may kapatawaran at kaligtasan, mga kaalaman at karunungan, at mga bagay na hindi natin maarok kung bakit ginagawa ito ng Diyos. Siguro dahil nga nakaatang sa atin ang Kanyang pangalan. Tayo ay kanyang nilalang, isang "masterpiece".
Magdiwang at magalak tayo dahil makapangyarihan ang Diyos. Siya ang ating Manlilikha. Kahit pa sa kabila ng ating mga problema’t hamon ng buhay, Siya pa rin ang may kontrol. Alam ng Diyos kung sino tayo sa Kanya. Papurihan at awitan ang Diyos sa ating mga puso at labi, Hayaang tumimo sa ating kaisipan ang mga mensahe ng mga awiting makalangit. Parangalan Siya sa anuman sa ating buhay dahil ang lahat ay Kanya at aling sa Kanya.
Panalangin:
Oh Diyos na aking Amahan, aking Manlilikha, ang nagbigay sa akin ng buhay, ikaw ay karapatdapat sa aking papuri at pagsamba. Maraming salamat, O Diyos sa iyong mga makapangyarihang gawa. Hindi ko man naiintindihan ang ilang bagay lalo na kapag ako ay nasa kagipitan, Kayo pa rin po ang nagpapaunawa sa akin. Binubuksan Niyo po ang aking pang-unawa upang Kayo ay maparangalan. Sa Iyo po ang papuri at pagsamba sa Pangalan ng Panginoong Hesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang nais iparating sa atin ng talata?
Ano ang tanging "reason" bakit tayo nilalang ng Diyos?
Ano ang ginagawa natin upang mapapurihan at maparangalan ang Diyos sa ating mga buhay?
Written by: Miguel Amihan
Read Previous Devotions