February 13, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Pagkilos Ng Diyos Para Sa Mga Inaapi At Dukha
Today's Verse: Psalm 12:5-6 (ASND)
5 Sinabi ng Panginoon, “Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha, at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap. Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.” 6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan, gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.
Read Psalm 12
May pangakong pagkilos ang Diyos para mga inaapi at naghihirap.
May muling panaghoy sa Diyos si Haring David. Napapansin niya ang pamamayagpag ng kasinungalingan at pambobola ng mga taong walang takot sa Diyos. Mayroon ding pandaraya at kayabangan. Ang nakikita ni David dulot ng mga masasamang gawain na ito ay ang “kaapihan ng mga dukha” at ang ‘iyakan ng mga naghihirap”. Bilang propeta, naniniwala si David sa pangungusap sa kanya ng Diyos na si Yahweh ay kikilos dahil naririnig Niya ang mga daing ng mga inaapi at mga naghihirap. Dahil dito, nangako ang Diyos na Siya ay may gagawin para sa kapakinabangan ng mga inaapi at mga dukha. Sila’y ililigtas ng Diyos.
Tayo bilang tao ay may pakiramdam sa mga nangyayari sa paligid. Maaaring pansin natin gaaano man kababaw na ang kasinungalingan, pandaraya, at kayabangan ng mga tao sa kanyang kapwa ay naglipana. Dumarami ang mga ganitong hindi mabuting gawain. At kung mas lalaliman natin ang ating kamalayan, mapapansin natin ang mga walang pakundangang pananalita laban sa mga dukha. Ayon kay David, nakamatyag ang Diyos laban sa mga nang-aapi. Nakabantay ang Diyos para sa mga inaapi. Inaasahan ng Diyos ang mga lumalagong Kristiyano ay maging daluyan ng pagpapala para sa mga taong ito. Ang mga lumalagong Kristiyano ay pagpapalain ng Diyos upang maging daluyan ng pagpapala at lakas ng loob.
Dagdagan natin ang ating concern o pagkalinga sa ating kapwa. Alalahanin natin sila. Dalhin natin sa Diyos ang mga daing ng mga less fortunate sa pamamagitan ng pananalangin. Sila man ay hirap materially o mentally, sila ay siguradong nakakaranas ng paghihirap. Kaya tayo ay maging blessing at encouragement sa kanila. Sa ganitong paraan, tayo ay kaakibat ng Diyos para ang ating kapwa na mas nangangailangan o napanghihinaan ay magkaroon ng kalakasan na harapin ang mga pagsubok o ‘challenges’ ng buhay.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, pansin mo ang mga taong nahihirapan at napanghihinaan. Sila’y dinadalangin ko sa iyo. Nawa ay maging daluyan ako ng maka Diyos na pananalita at mabubuting gawa para sila din mabigyan ng lakas ng loob.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga dahilan bakit napanghihinaan ang mga tao?
Papaano tayo magiging daluyan ng pagpapala at kalakasan para sa mga taong materially and emotionally down?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions