February 10, 2024 | Saturday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
May Hatid Na Pag-Asa Ang Pagtitiwala Sa Diyos
Today's Verse: Psalm 10:17-18 (ASND)
17 Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap. Pakinggan nʼyo po sila at palakasin. 18 Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api, upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.
Read Psalm 10
Dinirinig ng Diyos ang mga tanong at dalangin natin anuman ang mga pangyayari sa ating buhay
Ayon sa Psalm chapter 10, nakikita ni Haring David ang mga kaguluhan sa paligid. Tanong niya kung bakit namayagpag ang mga masama. Ang unang dating kay David ay nananahimik ang Diyos na parang bang wala Siyang paki. Katanungan ang tugon ni David. Ganunpaman, naniniwala si Haring David na dinirinig pa rin ng Diyos ang Kanyang mga panalangin. Alam ni Haring David na may panahon na tatayo at gagalaw ang Diyos laban sa anumang panlalait, kasinungalingan at kayabangan. Ang Diyos ay Diyos ng katarungan.
Tayo bilang tao ay may mga katanungan sa buhay katulad ni Haring David. Ating iniisip na bakit parang mas nanaig ang kasamaan sa paligid na halos walang hustisya. Ang kayabangan at pang-aapi ay nangingibabaw. Ang mga masama at kanilang gawain ay namamayagpag. Ang kayabangan at kasinungalingan ay hindi napaparusahan. Sa ganitong panahon, kailangan nating tumingala sa Diyos. Siya pa rin ang Diyos. Naririnig at dinirinig Niya ang ating mga pananalangin. Pinalalakas pa rin ng Diyos ang mga mahihina. Ang mga nahihirapan dahil sa problema’t karamdaman, ang mga ulila at walang malapitan, at mga kalalagayan ng mga api ay nasa paningin lahat ng Diyos. May hatid na pag-asa pa rin ang pagtitiwala sa Diyos.
Magtiwala at lumapit sa Diyos kahit hindi ok ang iyong nararamdaman. Manalangin pa rin dala-dala ang honest questions mo na kailangang sabihin sa Diyos. Sambitin sa panalangin ang pagpapahayag ng kapangyarihan ng Diyos laban sa anumang problema o dalahin. Tumingala sa langit at sabihin sa Diyos ang iyong taimtim na pagsamo at panaghoy. Mas malaking di hamak ang Diyos kesa sa ating mga problema. Ang Diyos ay dakila at makapangyarihan. Siya ay puno pa rin ng hustisya.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ako ay nagpapakumbabang sumasamo sa Iyo. Siyasatin Mo ako sa anumang pagdududa o kayabanga. Patawarin mo ako sa aking kakulangan ng pagtitiwala sa Iyo. Ngayon, anuman ang sitwasyon at mga problema sa buhay, naniniwala akong ikaw pa rin ang pinakadakila at makapangyarihan.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ayon sa Psalm 10, ano ang katanungan at nararamdaman ni Haring David?
Bakit may connection ang ating pananaw sa kung sino ang Diyos sa kung papaano natin hinaharap ang ating mga pagsubok at problema?
Papaano natin magagawa na magtiwala sa Diyos sa gitna ng ating nga pagsubok at problema sa buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions