February 3, 2024 | Saturday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Dinirinig Ng Diyos Ang Ating Panaghoy
Today's Verse: Psalm 6:9 (MBBTag)
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing, at sasagutin niya ang aking panalangin.
Read Psalm 6
Ang iyong mga panaghoy ay papakinggan ng Diyos – lalo na kung may pagpapakumbabang idadalangin sa Diyos.
Si Haring David ay ‘totally honest’ sa pakikitungo niya sa Diyos. Hindi hadlang ang kanyang emosyon sa pakikipag niig niya sa Diyos. Ang kanyang mga nararamdaman ay buong tapat na idinudulog sa Diyos. Simula sa kanyang pagpapakandili o dependence sa Diyos, hanggang sa pagsasabi ng kanyang negatibong pakiramdam at hinaing dahil sa mga pangyayari sa paligid, ay kanyang ipinapanghoy sa Diyos. Napakahalaga kay David ang relasyon niya sa Diyos.
Tayo bilang tao ay pwedeng talaban ng mga iba’t ibang emosyon. Mahalaga na malaman natin kung papaano pangasiwaan ang ating emosyon, negatibo man ito o positibo. Ang iba’t ibang emosyon na meron tayo dala ng mga pagkakataon ay nararapat na idulog sa Diyos. Ang Psalm chapter 6 ay ganoon ang ginagawa. Tinuturuan tayo na manalangin sa Diyos ng ating mga panaghoy. Ang panaghoy ay ang ating mga hikbi, mga pagtatangis, o mga hugot sa buhay. Ito ang mabuting balita: Sure na papakinggan ng Diyos ang ating mga hikbi, pagtatangis, o hugot sa buhay. Sa presensya ng Diyos, habang tayo’y taimtim na nananalangin, inaayos at nililiwanagan ng Diyos ang mga panaghoy na ito. Sa panahon ng ‘intimacy with the Lord’, ang Diyos ay nagbibigay ng maayos na kaisipan, mas napangasiwaang damdamin, at biblical na pananaw na nagdudulot ng lumalagong pag-asa.
Dalasan ang taimtim at mapagpakumbaba pananalangin sa Diyos. Paglaanan ng sapat na oras ang pakikipagniig sa Diyos. Gawing regular at makabuluhan ang panahon ng ‘intimacy with the Almighty’. Kailanman ay hindi sayang ang iyong araw-araw na pananalangin sa Diyos, pagsamba sa Diyos, at pagbubulay-bulay sa mga Salita ng Diyos. Ikaw ang lugi tuwing nagsasabi ka sa Diyos ng ‘busy ako Lord’. Gamitin mo ang iyong emosyon para lumapit sa Diyos. Papakinggan ka ng Diyos kahit sa iyong panaghoy.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ikaw ay Diyos na mapagmamahal. Ikaw ay maunawain. Ikaw ang tagapagpagaling ng aking damdamin. Anumang lungkot o kabiguan ang aking nararanasan, Ikaw ay palaging nariyan. Salamat sa iyong katapatan. Ako po ay iyong linisin sa anumang negatibong emosyon. Ituwid mo ang anumang baluktot kong pag-iisip, Ako ay nagpapasakop sa iyong kalooban.
Maraming salamat sa tapat mong pakikinig sa aking mga panaghoy. Salamat sa Iyong pagtutuwid at Iyong kapahingahan. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga nilalaman ng isip at kalooban ni Haring David ayon sa Psalm 6?
Ano ang mga kapareho natin kay David kung pag-uusapan ang emosyon?
Ano ang taimtim na pananalangin
Papaano nagagawa ng taimtim na pananalangin para lumago ang ating pagiging lumalagong Kristiyano?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions