February 2, 2024 | Friday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Maglingkod Ng May Takot At Paggalang Sa Diyos

Today's Verse: Psalm 2:10-11 (MBBTag)

10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo, ang babalang ito'y unawain ninyo: 11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang, sa paanan ng kanyang anak


Read Psalm 2 

Ang Diyos ay Diyos. Ang paggalang at respeto ay nararapat na ipinapahayag ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba at paglilingkod kay Jesus.


Ang Psalm 2 ay pagpapakita ng isang side ng Diyos na nababalewala ng maraming tao. Sinabi sa Psalm 2 na ang mga bansa ay naghihimagsik laban sa ‘authority’ ng Diyos. Hindi naiisip ng mga tao na lubos na makapangyarihan ang Diyos sa anuman at kaninuman. Sa isang banda, alam din ng Diyos na may mga taong may takot at paggalang sa Kanya. Sila ang mga binibigyan ni Yahweh ng karapatang humiling ng lupaing mamanahin. Sa Psalm 2 ay halata na tinatawagang pansin ng Diyos ang dalawang grupo ng mga tao na ito. 


Maraming tao sa ating bansa ang hindi kumikilala ng nararapat sa pagkadiyos ng Diyos. Ito ang nakakalungkot na pangyayari. Maraming tao ang pinipili lamang ang gustong paniwalaan tungkol sa Diyos. May mga pagtuturo din naman na pinipili lang din ang itinuturo sa tao tungkol sa Diyos. Totoo na ang Diyos ay mahabagin, maawain, at mapagmahal. Ngunit totoo din na siya ay makatarungan, matuwid, at nararapat na igalang. Nakakatuwang isipin na ang Psalm 2 ay nagtuturo sa atin sa panibagong pagkilala sa Diyos, pag-alam sa kabuuan kung sino talaga ang Diyos, at pag-alam patungkol sa Diyos. Nalalaman natin ngayon na dalawang grupo ng tao sa mundo: ang mga naglilingkod ng may takot at paggalang sa Diyos, at ang mga hindi naglilingkod ng may takot at paggalang kay Jesus.


Siyasatin ang ating sarili, Tayo ba ay naglilingkod ng may takot at paggalang sa Diyos? Kailangan natin na magsiyasat kung nasaan tayo sa pagkilala at pakikitungo sa Diyos. Tayo ay nilikha, at ang Diyos ang Manlilikha. Dahil diyan, sambahin at paglingkuran natin ang Diyos. Gamitin natin ang ating kakayanan, kayamanan, at katalinuhan para paglingkuran ang Diyos. Huwag piliin lamang ang gusto lang marinig o malaman tungkol kay Jesus. Maging matalino sa pag-unawa sa mga espiritual na mga bagay.

Panalangin:

Diyos Ama, ako ay patawarin mo sa mga panahon na pinipili ko lamang ang gusto kong malaman at paniwalaan tungkol sa iyo. Ngayon, ang aking naisin ay mas makilala Ka, masamba Ka, at mapaglingkuran Ka. Bigyan mo ako ng banal na pagkatakot sa Iyo. Turuan mo ako na igalang Ka at kilalalanin Ka.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Revelation 3-4

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions