February 7, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Papuri Sa Diyos Dahil Sa Kanyang Pagpapahalaga
Today's Verse: Psalm 8:3–4 (MBBTag)
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay, pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay. 4 Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Read Psalm 8
Pinahahalagahan tayo ng Diyos kahit hindi tayo mahalaga.
Nakakagising ng diwa ang tanong ni Haring David, “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?” Naramdaman ni Haring David ang pagpapahalaga ng Diyos. Ano ba ang tao para pahalagahan at pangalagaan ng Diyos? Hindi lubos maisip ni David na pinahalagahan ng Diyos ang mga tao na hindi naman mahalaga. Kaya niya ito nasabi dahil ikinumpara ni David ang tao sa mga dakilang likha ng Diyos. Ang kalangitan, buwan, at mga bituin ay sapat na ebidensya sa kadakilaan ng Diyos at ng kaliitan ng tao. Dahil dito, ang pagpupuri sa Diyos ni Haring David ay ganun katindi!
Ang katotohanan ay pinahahalagahan tayo ng Diyos kahit hindi tayo mahalaga. Alam ito ni Haring David at ibinabahagi niya sa atin. Sobrang limitado pa ang kaalaman ni Haring David sa science, sa kalawakan, at sa Sansinukob o Universe, pero ganun na lamang ang kanyang paghanga sa Diyos. Dahil sa kanyang nadiscover, nasabi ni David ang Psalm chapter 8, verses 3–4. Kaya tayo sa panahon natin ngayon ay sama-samang magsabi: Kahanga-hanga ang Diyos! Siya ang nararapat na purihin at sambahin. Kulang ang lahat na meron tayo para tapatan ang pagpapahalaga at pangangalaga sa atin ng Diyos. “O Yahweh, na aming Panginoon, sa buong mundo'y tunay kang dakila!”
Kilalanin natin ang Diyos sa Kanyang kadakilaan. Alamin sa pamamagitan ng Bible at ng Sangnilikha na Siya ay dakila. Paglaanan ito ng special nating oras. Huwag natin idahilan na busy tayo kaya tayo ay kulang sa oras sa pakikipagniig sa Diyos. Bagkus, gamitin natin ang ating time, talent, and treasure para ipagsabi sa mga tao ang kadakilaan ng Diyos. Maging adhikain natin na ipagsigawan ang pasasalamat at pagpupuri natin sa Diyos – na kahit tayo ay hindi mahalaga, tayo ay pinahahalagahan ng Diyos. Purihin ang Panginoong Jesus!
Panalangin:
Ikaw ang pinakadakila, aming Diyos Ama. Ako ay Iyong patawarin sa aking hindi sapat na pagpupuri. Salamat sa kaalaman na dakila ka sa lahat. Ngayon, gamitin mo ang buhay ko para ikaw ay mapapurihan ng nararapat. Salamat po.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano gumising sa diwa ni Haring David kaya nabigyan papuri niya ang Diyos ng nararapat?
Bakit maraming tao ang madalas na dahilan ay busy o abala kaya kulang ang pagkilala at pagpupuri sa Diyos?
Paano natin mas makikilala at mas mapupuri ang Diyos kasama ang ating pamilya at ang church?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions