February 8, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Diyos Ang Ating Kanlungan At Kublihan
Today's Verse: Psalm 9:9-10 (ASND)
9 Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi, at kublihan sa panahon ng kahirapan. 10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo, dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.
Read Psalm 9
May tamang paraan ng paglapit sa Diyos upang maranasan ang Kanyang pagliligtas sa panahon ng kaguluhan.
Sa Psalm chapter 9 ay buong tiwala na inilahad ni Haring David ang mabubuting katangian ni Yahweh. Ang Diyos na si Yahweh ay kanlungan at kublihan. Ang mga naaapi at mga nahihirapan ay ligtas sa pangangalaga at pag-iingat ng Diyos. At sa mga pang-aapi ng mga tao, hindi naranasan ni Haring David ang pagkatalo. Si Yahweh ay lagi siyang inililigtas. Kilala ni David kung sino ang Diyos niyang si Yahweh. Si David ay lubos na nagtitiwala sa Kanya dahil kilala niya si Yahweh na Diyos. Kaya kailanman ay hindi siya itinakwil ng Diyos.
Pansin ng Diyos ang ating paghihirap. Alam Niya ang solusyon bago pa man tayo lumapit sa Kanya. Kaya Niya tayong ipagtanggol sa anujman at sa kaninuman. Kaya ng Diyos na tayo’y tulungan kung tayo man ay inaapi o nahihirapan. Anuman ang ating panaghoy dahil sa problema nating nararanasan, ang pananalig natin sa Diyos ay malaki ang kinalaman. Dagdag pa rito, ang pananalig natin sa Diyos ay depende kung kilala ba natin ang Diyos. Ito ang katotohanan: kung kilala natin kung sino talaga ang Diyos at kumikilala tayo sa Kanya, hindi tayo mag-aatubiling lumapit sa Kanya.
Kilalanin ang Diyos. Lumapit sa Diyos ng may pagtitiwala. Anuman ang iyong nararanasang pahirap ng problema o pang-aapi ng anumang sitwasyon, ang mabuting kalalagayan natin ay priority ng Diyos. Siya ang Panginoon na makapangyarihan. Walang anumang problema o sinumang tao ang mas makapangyarihan sa Kanya. Umawit sa Diyos dahil siya ay nakaluklok. Ipagsabi sa mga tao kung gaano kabuti ang Diyos. Hindi ka itatakwil ng Diyos kung lalapit ka ng may pagtitiwala at pagpapakumbaba.
Panalangin:
Diyos Ama, nalalaman ko ngayon na Ikaw ang aking kanlungan at kublihan. Naniniwala po ako na walang problema o dalahin na gagapi sa akin kung ako ay lumalapit sa Iyo. Kayo na po ang magtanggol sa akin sa anumang problema.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang unawa mo sa pagiging kanlungan at kublihan ng Diyos?
Ano ang unang hakbang bago magtiwala sa Diyos?
Papaano tayo inililigtas ng Diyos sa ating mga problema at paghihirap?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions