February 16, 2024 | Friday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Dumating Na Ang Tagapagligtas

Today's Verse: Psalm 14:7 (ASND)

Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion! Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon, kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.


Read Psalm 14 

Ang Diyos ay Tagapagligtas. Palagian niyang binabantayan ang mga sitwasyon upang mangyari pa rin ang kanyang mabuting kalooban. 


Buong pananampalataya na sinabi ni Haring David na kailangang dumating ang tagapagligtas ng Israel. Sinabi niya ito dahil pansin niya na may mga tao na nagsasabing walang Diyos. Hangal ang mga taong ito sabi ni Haring David. Pansin ni David na sa pamamagitan ng mga salita at mga gawa ng mga ‘hangal’, nagkakaroon ng paglipana ng mga gawaing masasama, pag-abuso sa kapwa, at pag-aalipusta sa Diyos. Si Haring David ay buong tiyagang nagmamasid sa kalalagayan ng paligid dahil concern siya sa mga tao – lalo na sa karangalan ng Diyos.


Kailangan ng sangkatauhan ang Diyos bilang Tagapagligtas. Maraming klase ng kasamaan ang naglipana. Nalulungkot tayong isipin na ang katiwalian, pag-abuso sa kapwa, pagsisinungaling, kawalan ng paggalang sa Diyos ay kumakalat na parang ‘virus’. Maraming napapahamak at nasisira ang buhay at dignidad dahil sa sadya o di sinadyang maling gawa at maling pananalita. Kailangan natin ng Tagapagligtas! Ang lumalagong Kristiyano ay may pag-asa sa puso. Naniniwala ang lumalagong Kristyano na mula sa langit, nakatingin ang Panginoong Diyos sa lahat ng tao. Kanyang inaalam kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa Kanya. Ito ay may dalang pag-asa. Darating ang Diyos bilang Tagapagligtas ng mga nananalig, sumasamba, at tumatalima sa Diyos.


Magpatuloy sa paglago bilang Kristiyano. Sumunod kay Jesus. Anuman ang mga problema o kaguluhan sa paligid, lubos na ingatan natin ang ating puso. Huwag nating hayaan na mahawa sa kahangalan ng mga tao na sadya o di sinadyang naiisip o nasasabi na “Walang Diyos”. Sa ating salita at sa ating gawa, itaguyod natin ang karangalan ng Diyos at ang kapakanan ng ating kapwa. We will never go wrong kung ang karangalan ng Diyos at ang kapakanan ng ating kapwa ang palagian nating isaalang-alang. Mahalin ang Diyos. Mahalin ang kapwa.

Panalangin:

Diyos Ama, salamat sa Iyong pagliligtas. Ikaw ang aming Tagapagligtas sa anumang problema o kaguluhan sa paligid. Hiling ko lang po na paki-ingatan mo ang aming puso. Higit sa lahat, ikaw ang mahayag sa aming mga sinasabi, mga iniisip at mga ginagawa.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Revelation 19-20

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions