February 17, 2024 | Saturday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Manahan Sa Panambahan Ng Diyos
Today's Verse: Psalm 15:1-2 (ASND)
1 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo? Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok? 2 “Ang taong namumuhay ng tama, walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
Read Psalm 15
Ang manahan sa panambahan ng Diyos ay bunga ng pamumuhay para sa Diyos kasama ang Diyos.
Si Haring David ay may tanong sa Diyos. Ito ay tanong tungkol sa kung sino ang may karapatan na mananahan sa lugar na tinitirhan ng Diyos. Isinulat din naman ni Haring David ang alam niyang kasagutan ng Diyos tungkol dito. Ang mga kasagutan ayon sa Psalm chapter 15 ay mga gawain ng pawang mabubuting gawain na ikatutuwa ng Diyos at para sa kapakanan ng kapwa tao. Unawa ni David na kung ang tao ay may pagkilala o pananampalataya sa Diyos, siya ay mamuhay ng mga katuwiran at may kabanalan. Sa ganitong klase ng pamumuhay, pwedeng manahan ang tao kasama ang Diyos.
Ang manirahan tayo sa lugar kung saan naroroon ang Diyos ay natatanging karapatan. Ang panambahan ng Diyos ay isang sagradong lugar. Ito ang inaasam ni David na panahanan. Ito din dapat na asaming maranasan ng lumalagong Kristiyano maski dito pa lang sa lupa. Ang pamantayan ng Diyos ay mga mabubuting gawa mula sa pagkakilala at pagkilala sa Diyos. Sa ibang salita, ang tao na kilala kung sino ang Diyos ay may lumalalim na naisin at ‘dedication’ na gumawa ng mabuti. Ilan sa mga ito ay ang pamumuhay ng tama, ang taos-pusong pagsasabi ng katotohanan, ang hindi paninirang puri, ang hindi pagsasalita o paggagawa ng masama laban sa kanyang kapwa, ang pagtupad sa ipinangako kahit na mahirap gawin, at marami pang iba. Kung ang pagsamba sa Diyos at paggawa ng mabuti sa kapwa ay bunga ng pananalig sa Diyos, ang manahan sa panambahan ng Diyos ay hindi imposible.
Hangarin na palagiang makapiling ang Diyos. Ito man ay dito sa lupa, at lalo na sa langit. Kilalanin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-alam sa Kanyang kalooban. Alamin ang mabuting mga gawain na sakto sa puso ng Diyos. Ang pagiging malapít ng isang tao sa Diyos ay nagbubunga ng mabubuting gawa, Kapag ito’y mga nangyari, ang manahan sa sagradong panambahan ng Diyos ay bunga na lamang.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, tibok ng aking puso ang manahan palagi sa presensiya mo. Nawa ay mas makilala kita, mas masamba kita, at mas masunod kita. Turuan mo akong manahan sa iyong panambahan kasama ang mga tao na nagagawan ko ng kabutihan.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang manahan sa panambahan ng Diyos?
Bakit napahalaga na ang isang lumalagong Kristiyano ay hindi nawawalay sa piling at sa kalooban ng Diyos?
Papaano magawang manahan sa piling ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions