February 21, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
May Paggalang Sa Kautusan Ng Diyos
Today's Verse: Psalm 19:7-8 (ASND)
7Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian. Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan. Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan, at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman. 8Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan. Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
Read Psalm 19
Ang kautusan ng Diyos ay nararapat na igalang at pahalagahan ng bawat tao.
Sabi ni Haring David, nararapat igalang ang Salita ng Diyos. Gumamit ng iba’t-ibang salita si David para maghayag ng kahalagahan ng mga Salita ng Diyos. Sa panahon nila, ito ang Torah o ang unang limang aklat sa Lumang Tipan. Mula sa pagpapahayag ng kaluwalhatian ng sansinukob o universe, si Haring David ay binigyan din ng diin ang Kautusan. Ang kautusan ng Diyos ay walang kamalian, nagbibigay ng bagong kalakasan, mapagkakatiwalaan, nagbibigay karunungan, nagbibigay kagalakan, nagbibigay liwanag sa kaisipan, at iba pa. Dahil dito, ang hiling ni Haring David sa Diyos ay ang ilayo siya sa gawaing masama, at huwag siyang maalipin ng kasalanan. Bagkus ang lahat ng kanyang salita at gawa ay maging kalugod-lugod sa Diyos.
Ang matuwid na moralidad ng tao ay nagsisimula sa kung ano ang pagkakilala natin sa Diyos at pagrespeto sa Kanyang kautusan. Isama pa rito ang kagandahang-asal na hindi lamang nakasanayan kundi dala ng pagbabagong buhay ng isang tao. Ang pang-unawa at pagtanggap natin sa mga utos ng Diyos ay malaki ang epekto lalo kung ito ay susundin natin. Ang feeling na pabigat sa buhay ang mga utos ng Diyos ay malaking senyales na may mali sa puso natin. Mabuti naman ang dulot kung tayo’y may lumalalim na naisin na sundin ang utos ng Diyos. Hindi man tayo perfect, pero may improvement. Karagdagan, ang paggalang natin sa Salita ng Diyos ay makikita sa ating pamumuhay. Kung tayo’y maka-diyos, ito’y maririnig sa ating pananalita. Palaging may mabuting bunga sa ating pamumuhay kung mabuti ang ating pagtanggap sa Salita ng Diyos.
Igalang ang Bible – ang Salita ng Diyos. Ito’y naglalaman ng mga utos ng Diyos. Alamin sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bible ang kalooban ng Diyos. Magkaroon ng pananaw na ang mga utos ng Diyos ay hindi pahirap at hindi rin pabigat. Sundin ang kautusan ng Diyos ayon sa Biblia. Kaya nating pangitiin ang Diyos kung makikilala natin Siya at susundin ang mga alituntunin Niya. Tara! Sama-sama nating pangitiin ang Diyos na Manlilikha!
Panalangin:
Aking Diyos Ama, bigyan mo ako ng puso na lalong humahanga sa Iyong mga utos. Bigyan mo ako ng malalim na naisin na makilala at masunod Ka ayon sa Biblia.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang naglalaman ng kautusan ng Diyos?
Bakit mahalaga na nabibigyan ko ng sapat ng paggalang Salita ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions