February 1, 2025 | Saturday
UVCC Daily Devotion
Pagpapasakop Sa Diyos
Today's Verses: Matthew 4:7 (ASND)
Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”
Read Matthew 4
Napansin mo ba na mas malaking pananampalataya ang kailangan mo para hindi ka maniwala sa Diyos?
Ang Matthew 4:7 ay tungkol sa ikalawang tukso ni Satanas kay Jesus. Ayon sa naunang talata, inutusan ni Satanas si Jesus na ihulog ang kanyang sarili mula sa tuktok ng templo upang ipakita na siya'y kayang poprotektahan ng Diyos. Sinabi ni Jesus na hindi dapat subukan ang Diyos. Ipinakita ni Jesus na ang pagtitiwala sa Diyos ay hindi nangangahulugang gagawin mo ang mga bagay na walang saysay o hindi ayon sa kalooban ng Diyos.
Mas mahirap na hindi maniwala sa Diyos. Gayunpaman, may mga pagkakataon na ang ating pananampalataya ay nauurong at nagiging isang uri ng tukso sa Diyos. Ito ay nangyayari kapag binibigyan natin Siya ng mga kondisyon para patunayan ang Kanyang kapangyarihan o pagiging Diyos, gaya ng pagtutokso ni Satanas kay Jesus. Minsan, dahil sa matinding pangangailangan o pressures sa paligid, iniisip natin na ang Diyos ay kailangang sundin ang ating mga kagustuhan upang patunayan ang Kanyang katapatan. Ngunit ang ganitong pananaw ay mali. Ang tunay na pananampalataya ay hindi naglalagay sa Diyos sa alanganin o naglalagay ng mga kondisyon. Kadalasan, ang maling interpretasyon ng mga Salita ng Diyos, tulad ng ginawa ni Satanas kay Jesus, ay nagiging sanhi ng pagdududa na nagtutungo sa pag-tutukso. Mahalaga na magtiwala tayo na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa tamang oras at sa Kanyang paraan, ayon sa Kanyang kalooban.
Gawing matatag ang ating paninindigan katulad ni Jesus. Alamin ang kalooban ng Diyos at gawin natin iyong gabay sa buhay. Siguraduhin natin na ang lahat ng ating panalangin sa Diyos ay hindi pagmanipula sa Diyos. Bagkus ang ating paghiling sa Diyos ay ay ang nag-aadjust at hidi ang Diyos. Kaya, magbunga ang ating kaalaman sa kagustuhan ng Diyos ng pagsamba at pagtalima sa naisin ng Diyos. Magpasakop sa Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ituro Mo sa akin ang katotohanan para ikaw ay palagian kong mapangiti. BIgyan mo ako ng mas lumalalim na dahilan para ikaw ay sambahin, sundin, at paglingkuran. Ikaw pa rin ang aking, Diyos, Tagapagligtas, at Panginoon.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
May maayos at makatotohanang basehan ba ang iyong paniniwala sa Diyos?
Ano ang mga nagagawa natin sa buhay na naglalagay sa Diyos sa alanganin?
Paano mo mapapangiti ang Diyos ngayong araw?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions