January 31, 2025 | Thursday
UVCC Daily Devotion
Sagot Sa Pagsubok At Problema
Today's Verses: Matthew 4:4a,5a (ASND)
4Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, … 5Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, …”
Read Matthew 4
Sa pagharap mo sa mga problema’t pagsubok, may baon-baon ka bang mga katotohanan mula sa Bible?
Sa Mateo 4:4 at 4:7, ginamit ni Jesus ang pariralang "Sinasabi sa Kasulatan…" bilang pagtukoy sa mga kasulatan ng Diyos. Sa Kanyang pagsagot sa tukso ng diyablo, ipinakita Niya na ang mga salita ng Diyos ang may awtoridad at hindi ang anumang uri ng pakana ng tao. Sa bawat pagkakataon, binanggit Niya ang mga talata mula sa Banal na Kasulatan upang itaguyod ang Kanyang pananampalataya at tanging pagsunod sa Diyos bilang sukatan ng tamang buhay.
Lahat tayo ay dumaan sa matinding pagsubok. Ang mga pagsubok na ito ay nagdulot ng sakit at kalituhan sa atin. Sa buhay, hindi maiiwasan ang problema, kaya't nararapat na tayo ay tumugon ng tama. Subalit, kapag ang emosyon ay nangibabaw at hindi natin nakikita ang sitwasyon ayon sa kalooban ng Diyos, nagiging mali ang ating mga desisyon at tugon. Ang mga maling mga desisyon at tugon na ito ay nagdudulot ng karagdagang problema. Sa ganitong mga pagkakataon, ang Salita ng Diyos ang nagbibigay-linaw sa ating isip. Kung tayo'y patuloy na nagbabasa at nakikinig sa Kanyang Salita, magtatagumpay tayo. Magiging magalak tayo. Ngunit kung kung ang Salita ay wala o kulang sa ating puso, madali tayong matatalo ng mga problema at ng demonyo. Katulad ni Jesus, ang Salita ng Diyos ang siyang sagot sa mga ibinabatong kasinungalingan ng masama. Ang pagbababad sa Salita ng Diyos ay requirement para sa lahat ng nagsasabi sila’y anak ng Diyos.
Maging puno ang iyong isip at puso ng Salita ng Diyos. Ang matinding pagtitiwala at pagpapasakop ni Jesus sa kalooban ng Diyos ayn mula sa kanyang pagbababad sa Salita ng Diyos. Hindi mo kailangan na maging pastor o dakilang lingkod ng Diyos para magbabad sa Salita. Magbabad sa Salita dahil ikaw ay anak ng Diyos. Maging matibay sa oras ng pagsubok. Magbabad sa Salita. Maging matagumpay laban sa problema. Magbabad sa Salita.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ako po ay Iyong patawarin sa aking kakulangan sa pagbabasa at pakikinig sa iyong Salita. Minamaliit o binabalewala ko ang iyong kapangyarihan na tumulong sa aking dahil sa aking katamaran sa pagbabasa at pakikinig. Akng Diyos, panumbalikin mo ang aking lakas at bigyan mo ako ng katagumpayan sa pamamagitan ng Iyong Salita
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang iyong kasalukuyang problema at pagsubok?
Paano maging sapat ang baon-baon mo na Salita ng Diyos, kapag may pagsubok at problema?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions