January 27, 2025 | Monday

UVCC Daily Devotion

Pag-Aalala: Dalahain Na Hindi Mo Kailangang Pasanin

Today's Verses: Matthew 6:34 (MBBTag)

“Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”


Read Matthew 6

Nakakatulong ba kung ang isang tao ay mahusay mag-alala?


Sa Mateo 6:34, tinuturuan ni Jesus ang mga tao na huwag mag-alala tungkol sa hinaharap. Ayon sa Kanya, may sapat na pagsubok ang bawat araw kaya’t hindi ito dapat gawing dahilan ng pag-aalala. Ang patuloy na pag-iisip sa bukas ay hindi nakakatulong at nagdudulot lamang ng stress. Sa halip, hinihikayat Niya silang magtiwala sa Diyos na magbibigay ng lakas at gabay, at ituon ang pansin sa mga hamon ng kasalukuyan.


Ramdam natin ang mabilis na pagkapagod kapag tayo ay nag-aalala. Alam ito ng marami na sanay nang mag-alala. Ang patuloy na pag-aalala tungkol sa mga problema sa hinaharap ay magdadala lamang ng stress at hindi makakatulong. Kung isipin mo kung gaano kahirap ang problema, gaano ka-imposible ang mga bagay-bagay, at kung gaano kahirap maghirap dahil sa problema, napakalaking dalahin ito kahit anong edad. Kung tayo’y maliliwanagan, mauunawaan natin na kailanman ay hindi nakatutulong ang pag-aalala tungkol sa mga problema. Lumalaki at lumalala ang problema, kahit na ito'y maliit lang kung tutuusin. Lalo na kung malaki na talaga ang problema – lalo pa itong lumalaki. Pakinggan mo ito, kapatid: ang pag-aalala ay isang dalahin na hindi mo kailangang pasanin. Kakailanganin mo ang tulong. Kakailanganin natin ang pagliligtas ni Jesus. Ang mga Kristiyano at iba pang nahihirapan sa anxiety ay maaaring makatagpo ng kapayapaan sa pamamagitan lamang ni Jesu-Kristo. Ang totoo, nais ng Diyos na mamuhay tayo sa kasalukuyan at magtiwala sa Kanya para sa ating pangangailangan sa hinaharap. Maaari mong mabawasan ang bigat ng iyong emosyonal na pasanin. Nilika ka ng Diyos para sumamba sa Kanya, at hindi para mag-alala sa mga problema na kadalasan ay wala pa naman.


Mag-focus tayo sa kasalukuyan at magtiwala sa plano ng Diyos para sa ating buhay. Pansinin mong mabuti ang sinabi ni Jesus, “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas.” Agree ka ba dito? Napagbulay-bulayan mo na ba ito? Mag-pause saglit at isipin. Manalangin. Paghariin mo ang Diyos sa iyong puso. Pakinggan mo si Jesus sa iyong puso. Ito ay direktang utos ng Panginoong Diyos. Sinabi din ni Jesus kung bakit hindi ka dapat mag-alala: “…sapagkat ang bukas ay mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”


Panalangin: 



Pagninilay: 


Panalangin:

Aking Diyos Ama, patawarin mo po ako sa aking pag-alala sa problema kaya bawas ang aking pagsamba. Turuan mo akong sa iyo’y sumamba, sumunod, at maglingkod. Linawin mo sa aking isipan na ikaw ang higit na dakila na may hawak ng aking buhay at ng aking kinabukasan.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Chronicles 31-32

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions