January 22, 2025 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

Kakatagpuin Ka Ng Diyos

Today's Verses: Luke 8:39 (MBBTag)

“Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.


Read Luke 8

Nais mo bang katagpuin ka ng Diyos anuman ang iyong kalalagayan?


Sa Luke 8:39, matapos pagalingin ni Jesus ang isang lalaking inaalihan ng napakaraming demonyo, inutusan siyang magbalik sa kanyang bayan at ipmalita ang ginawang kabutihan ni Jesus. Layunin ni Jesus na gamitin ang patotoo ng pinagaling upang maghatid ng mensahe ng pagpapatawad at kaligtasan sa iba. Ang pagtatagpo na ito ay mahusay na inihayag ni Lukas.


Sa araw-araw na pagmasid natin sa paligid at sa bawat kaganapan sa ating buhay, darating ang panahon na kakatagpuin tayo ng Diyos. Ang pakikipagtagpo ng Diyos sa atin ay laging may dalang dakilang layunin na may dakilang pagbabago. Maraming mga pagkakataon na tanging Siya lamang ang makakapuno sa ating pangangailangan. Ang mga materyal na bagay o kahit ang mga tao na dumaan sa ating buhay ay hindi maihahambing sa pagtagpo sa atin ng Diyos. Tanging Siya lamang ang may kapangyarihang magbigay ng tunay na pag-asa at kaligtasan. Sa bawat pakikipagtagpo natin sa Kanya, may mga dakilang bagay na nais Niyang gawin para makilala natin ang Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan. May malasakit si Jesus sa atin. Nagpapatuloy ang Kanyang malasakit at pagnanais na magbigay ng pag-asa sa ating buhay. Nais Niya tayong katagpuin at bigyan ng pag-asa sa buhay. 


Magpakumbaba kapag ikaw ay kinatagpo ni Jesus. Anuman ang iyong masalimuot na kalagayan ay pagkakataon na itinakda ng Diyos para ikaw at Siya'y magtagpo. Alam ng Diyos ang tamang panahon. Kaya kapag dumating ang pagkakataon ng pakikipagtagpo sa iyo ng Diyos, tanggapin mo ito ng buong puso. Sa pakikipagtagpo ng Diyos sa iyo, sundin ang Kanyang mga utos. Ibahagi mo si Jesus sa iyong mga kamag-anak at mga kaibigan. Ipamalita ang Kanyang kabutihan at pagmamahal sa iyong buhay.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, ako ay iyong katagpuin. Kailangan ko ang Iyong pagpapatawad. Kailangan ko ang Iyong pagmamahal. Ako’y lalo mong katagpuin ng iyong presensya at ng iyong mga himala.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Chronicles 25-26

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions