January 15, 2025 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
Ang Generosity Ng Diyos
Today's Verses: Matthew 20:14-15 (MBBTag)
14 Kaya tanggapin mo na ang sahod mo, at umuwi ka na. Desisyon ko na bigyan ng parehong sahod ang mga huling nagtrabaho. 15 Hindi baʼt may karapatan akong gawin ang gusto ko sa pera ko? O naiinggit lang kayo dahil mabuti ako sa kanila?’ ”
Read Matthew 20
Pwede bang pigilan ng sinuman ang walang katapusang pagpapala o pagiging generous ng Diyos?
Sa talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan, kumuha ng mga manggagawa ang isang amo sa iba't ibang oras ng araw, at ipinangako niyang magbabayad ng isang denaryo. Nang gabing dumating, binayaran niya ang lahat ng manggagawa ng parehong halaga, kaya nagreklamo ang mga naunang magtrabaho. Ipinagtanggol ng amo ang kanyang kabutihang-loob. Pagkatapos nito, ipinaliwanag ni Jesus sa mga alagad ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.
Ang generosity ng Diyos sa tao ay higit pa sa ating pag-unawa. Ang Kanyang pagiging mapagbigay ay hindi lamang nakabase sa ating mga pagnanais, kundi sa Kanyang malasakit na magdulot ng pagpapala sa atin. Kakaiba ang paraan ng Diyos ng pagpapakita ng Kanyang kabutihan—higit pa ito sa ating karunungan at inaasahan. Nais ng Diyos na tayo'y pagpalain, at gusto Niyang tanggapin natin ang pagpapalang nararapat sa atin lalo na kung ito ay bunga ng ating sipag, tiyaga, at pagsunod sa Kanya. Narito ang twist: Ang Diyos ay nagpapala hindi lamang sa mga matagal ng nagsikap, kundi pati na rin sa mga mabilis na kumilos bilang tugon ng may pagsunod. Ang Kanyang kabutihang-loob ay walang kondisyon. Minsan, maaari tayong magtaka at magduda, ngunit huwag nating hamakin o questionin ang kabutihan ng Diyos o ang Kanyang “acts of generosity”. Tandaan, ang Diyos ay tapat sa Kanyang mga pangako, anuman ang tagal ng ating pagsunod.
Asahan ang pagpapala ng Diyos kapag ikaw ay sumusunod sa sa Kanya. Tumalima ng may pagpapakumbaba at tanggapin ang pagpapala ng Diyos ng may pasasalamat. Iwasan ang pagiging maangal sa buhay. Nanakawan ka nito ng saya. Maging kuntento at huwag magreklamo dahil sa pagkumpara sa mga pagpapala ng ibang tao. Matutong i-enjoy ang bunga ng iyong pagsunod at pagtalima sa Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ikaw ang puno ng pagpapala para sa iyong mga anak. Tanggalin mo sa akin ang pagiging maangal at mareklamo sa buhay. Tulungan mo akong maging mapagpasalamat. Bigyan mo ako ng kagalakan para sa tagumpay sa buhay ng ibang tao.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ibig sabihin ng “acts of generosity” ayon sa Matthew 20:14-15?
Bakit kaya may pagkakataon na nagiging mareklamo o maangal ang tao sa Diyos?
Paano i-enjoy ang pagtanggap ng pagpapala ng Diyos dahil sa ating pagsunod sa utos ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions