January 8, 2025 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

Ang Buhay Na Walang Hanggan

Today's Verses: Matthew 19:25–26 (MBBTag)

25 Lubhang nagtaka ang mga alagad sa kanilang narinig kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”


Read Matthew 19

Maaari bang magdulot ng kaligtasan o buhay na walang hanggan ang pagsisikap ng tao sa paggawa ng mabuti?


Sa Matthew 19:16–26, isang mayamang batang lalaki ang nagtanong kay Jesus kung paano magkaroon ng buhay na walang hanggan. Inutusan siya ni Jesus na sundin ang mga utos at magbenta ng kanyang ari-arian. Nang hindi ito magawa, tinuro ni Jesus na mahirap sa mayaman, ngunit sa Diyos, ang lahat ay posible.


Walang anumang pantaong pagsisikap, relihiyon, o mabuting gawa ang makapagliligtas sa isang tao. Si Jesus lamang ang tanging daan upang makamtan ang buhay na walang hanggan. Bagamat maraming tao ang naniniwala na sapat o maaari ang mabuting gawa para makuha ito, ayon kay Jesus, ito ay imposible. Tanging ang Diyos ang nagbibigay ng posibilidad upang matamo natin ang buhay na walang hanggan. Ang pagsusumikap na maging mabuti upang mapansin ng Diyos at pagkalooban ng buhay na walang hanggan ay hindi sapat. Kahit na samahan pa ito ng relihiyon o pagiging mapagkawanggawa. Ang mga ito ay sobrang kapos. Ayon kay Jesus, Siya ang daan, ang buhay, at ang katotohanan (Juan 14:6). Ito ang tamang pananaw: ang paggawa ng kabutihan at ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay nagkakaroon ng tunay na halaga lamang sa harapan ng Diyos kapag tayo ay tumanggap na at nanalig na sa Panginoong Jesus. Ito ang itinuturo at nililinaw pa ng Juan 1:12. Mas may sense kung gagawa ka ng mabuti kung ligtas ka na, hindi para maligtas ka.


Gawin ang kalooban ng Diyos sa ‘context’ ng pagiging anak ng Diyos. Sa ganitong kalalagayan at katayuan lamang nagiging may kabuluhan ang ating kawang gawa at kabaitan. Gabayan tayo ng katotohanan ng Diyos at hindi ng tradisyon ng tao. Huwag nating ipilit ang sarili nating pananaw na ayon lamang sa relihiyon at sabi-sabi. Ibatay natin ang ating pananaw at pananampalataya ayon lamang sa sinasabi ng Biblia.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, tinatanggap ko na si Jesus lamang ang iyong paraan para sa aking kaligtasan mula sa kasalanan tungo sa buhay na walang hanggan. Ikaw ang aking Tagapagligtas. Ikaw ang aking katotohanan.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Chronicles 17-18

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions