January 4, 2025 | Saturday

UVCC Daily Devotion

Purihin Si Jesus Na Diyos At Hari

Today's Verses: Luke 19:38–40 (MBBTag) 

38 Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!” 39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin ninyo ang inyong mga alagad.” 40 Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.”


Read Luke 19

Iyo na bang napagtanto na si Jesus ay Diyos at Siya ay Hari na dapat purihin at sambahin?


Ayon kay Lucas, habang papalapit si Jesus sa Jerusalem, ang mga tao ay nagagalak at nagpupuri sa Kanya bilang Hari. Nang pigilan sila ng mga Pariseo, sinabi ni Jesus na kung sila ay mananahimik, ang mga bato mismo ay sisigaw ng papuri. Ipinapaunawa ni Jesus sa mga Fariseo na walang makakapigil sa pagluwalhati sa Hari na ipinadala ng Diyos.


Kung tayo ay tatahimik at walang magpupuri sa Diyos, ang buong kalikasan ay nagsisilbing tagapagpuri sa Kanya. Isang mahalagang mensahe: Ang kaluwalhatian ng Diyos ay tiyak, anuman ang mangyari. Walang sinuman ang makakapigil sa pagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos kay Jesus. Isipin mo, madalas tayong tinatablan ng katanmaran o kaabalahan, kaya’t naaagaw ang ating pagpuri sa Diyos. Minsan, ang mga kasalanan natin ay nagiging hadlang sa ating pagsamba, o kaya naman ang mga negatibong emosyon at kaabalahan sa buhay. Pero, sa mga ganitong pagkakataon, magpapapigil ba tayo? Papayag ba tayong walang lumabas na papuri mula sa ating puso at bibig? Kapatid, kung si Jesus ang iyong Diyos at Hari, ipahayag mo ito. Iparamdam mo sa iba – lalo na sa iyong sarili. Ang pinakamamainam na oras upang manalangin ay kapag tinatamad tayong manalangin. Ang pinakamamainam na oras upang magbigay sa Diyos ay kapag tayo ay kapos. At ang pinakamamainam na oras upang sumamba sa Diyos ay kapag abala tayo at pwede magliwaliw, ngunit pinili nating unahin si Jesus na Diyos at Hari.


Kapag may bumabagabag sa iyo, purihin mo ang Diyos. Kapag may lungkot kang nararamdaman, purihin mo si Jesus. Kapag may kasalanan kang nagawa, lumapit ka sa Diyos at sambahin siya. Kapag malungkot ang buhay, sambahin mo ang Diyos at sa Kanya’y humugot ng galak. Alamin mo ang mga hadlang sa iyong puso at isipan kaya ikaw ay napanghihinaan at nagdadahilan para hindi mag-devotion, mag-Bible Study, o dumalo ng gawain. Sambahin ng tapat at totoo kung si Jesus ang iyong Diyos at Hari.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, kinikilala ko si Jesus bilang aking Diyos at Hari. Humihingi ako ng lakas mula sa Iyo para mapagtagumpayan ang bawat lungkot, kasalanan, kaabalahan, kawalan at negatibong pakiramdam. Sinasamba kita.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Chronicles 11-12

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions