January 3, 2025 | Friday

UVCC Daily Devotion

Ang Mahalin Ang Diyos

Today's Verses: John 21:17 (MBBTag)

Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, ““Pakainin mo ang aking mga tupa.


Read John 21

Naranasan mo na ba na mahalin ang Diyos?


Sa Juan 21:17, muling tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya, bilang pagtutok sa kanyang pagnanais na magbalik-loob. Tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro, na sumasalamin sa tatlong beses na pagtanggi ni Pedro. Ang bawat tanong ni Jesus ay nagbigay-daan kay Pedro upang muling patunayan ang kanyang pagmamahal at maglingkod. Ipinapakita nito ang pagpapatawad at ang tawag kay Pedro na maglingkod sa kanyang mga tagasunod.


Isa sa pinakamahalagang aral na maaari nating matutunan ay ang tunay na pagmamahal. Bagamat nakakalito ito dahil sa iba't ibang kahulugan ng pag-ibig na naririnig natin, ang Biblia ay puno ng mga kwento tungkol dito. Higit sa lahat, hindi mawawala ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang nilikhang tao. Alam natin ang pagmamahal ng Diyos sa atin, ngunit kailangan din nating pagtuunan ng pansin ang pagmamahal na inaasahan Niya mula sa atin. Narito ang twist: madalas ay ipinagmamalaki natin na mahal natin ang Diyos, ngunit aminado din tayo na hindi tayo palaging tapat o consistent sa pagpapakita ng pagmamahal na ito sa Diyos. Salamat at hindi tayo sinisisi ng Diyos. Bagamat hindi natin kayang pantayan ang Kanyang pagmamahal, inaasahan pa rin ng Panginoong Jesus na patuloy tayong magpapakita ng lumalago na pagmamahal sa Kanya. Ang patunay ng paglago natin sa pagmamahal sa Diyos ay makikita sa ating malasakit sa kapwa — sa pagpapalaganap ng Kanyang Salita at sa pagpapakita ng Kanyang pag-ibig. Sa puntong ito, tinatawag tayo ng Diyos na patunayan ang ating pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga gawa.


Pagmasdan ang kapwa ng may pag-ibig mula sa Diyos. Maaaring mapabuti ang iyong pakikitungo sa kanila. Manahan sa Diyos at tumanggap ng Kanyang pag-ibig. Magtiwala sa Diyos na kaya mong iparamdam sa iyong kapwa ang purong pag-ibig Niya. Sila din ay sugatan. Manalangin na ipaalala sa iyo ng Diyos na ang paglago sa iyong pagmamahal sa Kanya ay ang paglago ng iyong malasakit sa iyong kapwa. Maniwala ka, ikaw ang unang lalago sa adhikaing ito. Ka-partner mo ang Diyos sa paggawa nito.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, iparanas mo sa akin ang iyong pag-ibig. Palaguin mo ako sa pagkalinga sa aking kapwa. Maging daan ako ng paghilom ng kanilang mga sugat at pasakit. Maipadama ko ang pag-ibig mo sa kanila.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Chronicles 9-10

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions