January 2, 2025 | Thursday
UVCC Daily Devotion
Maniwala At Huwag Mag-Alinlangan
Today's Verses: John 20:27 (MBBTag)
At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo ang iyong daliri dito at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.”
Read John 20
Madalas ay mas madali bang mag-alinlangan kaysa maniwala?
Matapos ang muling pagkabuhay ni Jesus, mahinahon Niyang hinarap ang pag-aalinlangan ni Tomas. Habang naniniwala na ang ibang alagad, nag-atubili si Tomas nang walang ebidensyang nakikita. Sa Kanyang biyaya, inaalok siya ni Jesus ng patunay. Ngunit higit pa rito, tinatawag Niya si Tomas—at tayo—na yakapin ang pananampalataya na hindi nakikita. Ang tunay na paniniwala ay hindi sa ebidensya, kundi sa pagtitiwala sa mga salita ni Jesus.
Mas madaling mag-alinlangan sa Diyos kapag tayo ay napapalayo sa Kanya. Ang pagduda ay madalas na dumating sa ating isipan at puso kapag hindi natin nararamdaman ang Kanyang presensya sa ating buhay. Kung ang Diyos man ay nananahan sa atin, pero hindi Siya namamayani, nagiging mahirap magtiwala sa Kanya. Bilang tao, mas komportable tayong makipag-ugnayan sa mga bagay na nakikita, naririnig, at nararamdaman. Ngunit bilang mga tagasunod ni Kristo, natutunan nating ang galawan ng Diyos ay batay sa pananampalataya. Kapag kulang tayo sa pakikipagniig sa Diyos—sa pamamagitan ng regular na pagsamba at daily devotions—nawawala ang ating espirituwal na lakas upang mapaglabanan ang mga pagdududa na dulot ng mga pagsubok at problema. Sa kabila nito, kung tayo ay tapat at lumalago sa ating mga oras ng pagsamba at pagninilay sa Salita ng Diyos, mas nagiging matatag ang ating pananampalataya. Mas madali nating nakikita ang kamay ng Diyos sa ating buhay. Mas mabilis tayong naniniwala sa Kanyang mga pangako. May panawagan ang Diyos na makipagniig sa Kanya.
Tayo’y tinawag upang lumakad nang may tiwala at lakas sa bawat hakbang ng ating pananampalataya. Pahalagahan natin ang galawan ng Diyos sa ating buhay at makinig sa mga taong ginagamit Niya upang tayo’y gabayan. Magkaroon tayo ng uhaw at gutom sa Kanyang Salita. Huwag masanay sa hindi sapat na oras ng pakikipagniig sa Kanya. Maging masipag sa pagdalo ng mga gawain at pagtutok sa Kanyang kalooban. Huwag ipagpalit ang makalangit na gawain sa pansamantalang kaligayahan dahil sayang ang pagkakataong naiiwan ang mas mahalagang bagay.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, bigyan mo ako ng uhaw at gutom sa iyong Salita. Ako ay inaagaw ng social media at ng mga kaabalahan papalayo sa Iyo. Patawarin mo ako sa napakarami kong dahilan sa hindi paggawa ng mga manbuting ‘spiritual habits’. Ngayong taon na ito, nawa maibigay ko ang nararapat at sapat na oras ko sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga spiritual habits na napakahalagang makasanayan natin?
Paano ko magagawang paglaban ang pag-aalinlangan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions