January 17, 2025 | Friday
UVCC Daily Devotion
Manalangin Sa Tulong Ng Banal Na Espiritu
Today's Verses: Ephesians 6:18 (ASND)
At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal.
Read Ephesians 6
Nais mo bang magkaroon ng matiyagang pananalangin sa pangunguna ng Espiritu Santo?
Sa Efeso 6:18, hinihikayat ni Pablo ang mga mananampalataya na manatiling malakas espiritwal sa pamamagitan ng patuloy na panalangin. Kasunod ng kanyang pagtuturo tungkol sa espiritwal na baluti, binibigyang-diin niya na ang panalangin ay mahalaga upang mapanatili ang lakas at kahandaan laban sa kasamaan. Dapat itong gawin nang tapat at ayon sa kalooban ng Diyos, at ipanalangin hindi lamang ang sarili kundi pati na rin ang iba, lalo na ang mga nagdadala ng ebanghelyo.
May mga pagkakataon na parang ang hirap manalangin. Nariyan ang kaabalahan, ang maraming obligasyon, ang katamaran, at iba pang dahilan. Ngunit malinaw ang paalala ng Bibliya sa mga mananampalataya na tayo’y manalangin. Hindi lang basta panalangin, kundi ang panalangin na tuloy-tuloy at may gabay at basbas ng Espiritu ng Diyos. Saglit natin itong intindihin. May utos na tayo’y mananalangin. Ngunit ito ang utos na madalas nating iniiwasan. Good news! Dito papasok ang mga salitang “sa tulong ng Banal na Espiritu.” Kung aasa tayo sa ating sarili upang maging tapat sa panalangin, hindi ito mangyayari. Ayaw natin niyan. Ngunit kung ating iisipin na ang panalangin ay ‘protection’ natin laban sa kasamaan sa paligid at sa mga masasamang espiritu sa himpapawid, magdadalawang-isip tayo. Sisipagin tayo. Magpapakumbaba tayo sa Diyos. Ngayong araw na ito, magpakumbaba tayo sa Diyos “sa tulong ng Banal na Espiritu” at manalangin.
Tanungin ang iyong sarili kung bakit mo kailangang manalangin. Isipin ng mabuti. Alamin mo ang mahahalagang paalala sa Ephesians 6:18 kung bakit kailangan manalangin. Dahil may kasamaan sa paligid, manalangin. Dahil may mga masasamang espiritu na nais tayong ipahamak at ilayo sa kalooban ng Diyos, manalangin. Dahil tayo ay nangangailangan ng protection ng Diyos, manalangin. Dahil may mga mahal tayo sa buhay at mga kapatiran sa Panginoon, mananalangin. Araw-araw tayong manalangin.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, nagpapakumbaba ako sa iyo. Gabayan mo ako sa aking pananalangin sa tulong ng iyong Espiritu. Nais kong ingatan mo ako, ang aking pamilya, at ang mga kapatiran. Ikaw ang aming Tagapag-ingat at Tagapagligtas.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang pananalangin sa tulong ng Espiritu ng Diyos?
Bakit napakahalaga ng pananalangin?
Paano mapapahalagahan ng Kristiyano ang pananalangin at hindi ito iwasan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions