January 21, 2025 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Pag-Ibig Mula Sa Mga Pinatawad Ng Diyos
Today's Verses: Luke 7:47 (MBBTag)
Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.”
Read Luke 7
Gusto mo bang sukatin ang iyong pagmamahal sa Diyos?
Sa Lucas 7:47, ipinapahayag ni Jesus na ang isang tao na may malalim na pagpapatawad ay may malalim ding pag-ibig. Ang konteksto nito ay nang may isang makasalanang babae ang magbuhos ng pabango sa mga paa ni Jesus. Nagpatawad si Jesus sa kanya. Ikinumpara ni Jesus ang babae sa mga fariseo na hindi nagpapakita ng ganoong klase ng pag-ibig. Para kay Jesus, ang pagpapatawad ng Diyos ay nagbubunga ng matinding pasasalamat at pagmamahal sa Kanya.
Iba ang hatid na galak sa puso ng isang tao na alam niyang siya’y pinatawad na ng Diyos. Kailangan natin ang pagpapatawad ng Diyos. Kung mararanasan ng mas maraming tao ang pagpapatawad ng Diyos at mas maunawaan ito, magkakaroon tayo ng kakaibang sigla o excitement sa ating buhay. Dahil alam mong OK ka na sa Diyos, mas madali kang makakalapit sa Kanya, may kumpiyansa ka, at hayagan mong naipapakita sa iba na prioridad mo ang Diyos. Ang pag-ibig mo sa Diyos ay halata sa iba – lalo na sa Diyos. Ang pagpapatawad ng Diyos ay nagbubunga ng matinding pasasalamat at pagmamahal sa Kanya. Ang antas ng pagmamahal mo sa Diyos ay isang mahusay na sukatan ng iyong pagtanggap sa Kanyang pagpapatawad.
Alamin kung natanggap mo na ba ang pagpapatawad sa iyo ng Diyos. Sukatin ang iyong sarili kung anong antas ng iyong pagmamahal sa Diyos. Magkaroon ng hayagang pagpapakita ng iyong pag-ibig sa Diyos. Mahalaga na ating nasisiyasat ang ating puso. Araling ang iyong mga schedule at activities. Ikumpara ang mga ito sa pamantayan ng Bible. Kung tunay mo nang tinanggap ang pagpapatawad ng Diyos, pwede mong malaman sa pamamagitan ng iyong mga activities ang pagmamahal mo sa Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, inaamin ko ang aking mga pagkukulang sa Iyo. Ngayon, tinatanggap ko rin ang iyong pagpapatawad dahil kay Jesu-Kristo. Bigyan mo ng panibagong sigla ang aking buhay para makita ng mas marami na mahal kita.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
May sigla ba sa buhay mo dahil alam mong pinatawad ka ng Diyos?
Ano ang iyong mga activities na nagpapatunay na humingi ka na ng tawad sa Diyos?
Paano mo ipinapakita sa Diyos na mahal mo Siya dahil pinatawad Ka niya?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions