January 31, 2025 | Friday

UVCC Daily Devotion

Ang Pagkain Ng Salita Ng Diyos

Today's Verses: Matthew 4:4 (ASND) 

Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios.’ ”


Read Matthew 4

Nagiging kalakasan mo ba ang Salita ng Diyos?


Sa pag-aayuno ni Jesus sa disyerto ng ilang araw, dumating ang tukso mula kay Satanas. Inutusan siyang gawing tinapay ang mga bato upang matugunan ang gutom, ngunit tinanggihan ito ni Jesus. Ipinakita niyang hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salita ng Diyos. 


Ang tao ay totoong nabubuhay dahil sa pagkain, ngunit hindi siya buhay dahil lamang siya’y kumakain. Lahat ng tao ay kailangan kumain upang mabuhay, ngunit hindi basta-basta pagkain lamang. May tamang paraan ng pagkain upang mapanatili ang kalusugan. Sa panahon ngayon, mabilis ang tao sa paghahanap ng pansamantalang kaligayahan mula sa pagkain, libangan, o social media. Subalit, dapat din nating tingnan ang tunay na kagalakan na matatagpuan sa Salita ng Diyos — isang bagay na higit na kailangan kaysa mga pansamantalang kasiyahan ng mundo. Ang kahalagahan ng Salita ng Diyos ay hindi madaling maunawaan maliban na lamang kung tayo ay may lumalagong pag-unawa at focus, katulad ni Jesus. Si Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng tamang focus at pagpili sa pagitan ng dalawang mahahalagang pangangailangan ng tao. Napagtanto na ba natin ang ‘timing’ ng pagtugon ng tama sa dalawang pangangailangan na ito natin bilang nilalang ng Diyos?


Isipin ng malallim ang iyong pangangailangan sa Salita ng Diyos. Maaaring may pag-aalinlangan pa tayo sa kahalagahan nito. Maaaring hindi pa ganun kalallim ang ating pagpapahalaga sa Salita. Maaaring nababalewala natin ang pangangailangan natin sa Salita. Kaya, may panawagan na isaayos natin ang ating mga kaabalahan. Gaano ka man kabusy at gaano man kadami ang iyong ginagawa, siguradong mayroon kang 15 minutes kada araw para manahimik, magbasa, at namnamin ang kabusugan na dala ng pagkain ng Salita ng Diyos. Tara! Maging masipag tayo sa pagkain ng Salita ng Diyos.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, kailangan ko ang Iyong Salita sa araw-araw. Ako ay nabubuhay dahail din sa iyong Salita. Ngayon, bigyan mo ako ng puso at kaisipan na may pagpapahalaga sa iyong Salita. Salamat.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Chronicles 35-36

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions