February 13, 2025 | Thursday

UVCC Daily Devotion

Ang Sukdulang Biyaya Ng Diyos

Today's Verses: Genesis 6:8-9  (ASND) 

8 Pero may isang tao na nakapagbigay-lugod sa Panginoon, siya ay si Noe. 9 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe. Si Noe ay makadios. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapit ang kanyang relasyon sa Dios.


Read Genesis 6

Nais mo bang malugod sa iyo ang Diyos?


Sa Lumang Tipan ng Biblia, sa Genesis 6, sa kabila ng malupit na kasamaan ng sangkatauhan, si Noe ay namuhay nang matuwid at tapat sa Diyos. Habang ang mundo ay puno ng kasalanan, natagpuan ng Diyos si Noe bilang isang taong may kabutihang-loob. Dahil dito, naging kalugud-lugod si Noe kay Yahweh. Pinili siya ng Diyos upang magtatag ng bagong pag-asa para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng paggawa ng isang arko na magliligtas sa kanya at sa kanyang pamilya mula sa paparating na malaking baha.


Iba ang pakiramdam kapag nalaman mo na kinalulugdan ka ng DIyos o may pabor ka sa Diyos. Choice ito ng Diyos. Wala itong kinalaman sa husay natin o sa pagiging wala nating kasalanan. Wala namang mahusay lang sa harap ng Diyos at wala din namang walang kasalanan. Katulad ni Noah, na napili ni Lord, ang hinahanap ng Diyos sa gitna ng mga makasalanan ay ang taong makadiyos. Ang pagiging makadiyos ay hindi pagiging walang kasalanan, dahil lahat ay nagkakasala. Ang pagiging makadiyos ay ang pagiging ‘aware’ o pagkakaroon ng kamalayan sa Diyos. Ang pagiging makadiyos ay ang pagkakaroon ng relasyon sa Diyos at ang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Maaaring hindi ka perfect pero ikaw ay lumalago. Ikaw ay pasulong at hindi paurong. Sa ganitong mga pangyayari, kapag ang isang tao ay kinalugdan ng Diyos, ipaparamdam Niya ang Kanyang kapayapaan at ang Kanyang kaligtasan. 


Ihanda palagi ang iyong kamalayan sa Diyos. Naisin mo araw-araw pakikipagniig sa Diyos. Magkaroon ka ng lumalalim na relasyon sa Diyos at buong puso mo itong ingatan. At higit sa lahat, i-enjoy mo ang kagandahang-loob at ang sukdulang biyaya ng Diyos. 

Panalangin:

Aking Diyos Ama, sambahin Ka sa Iyong kagandahang-loob at sa Iyong sukdulang biyaya. Salamat at ako'y nakakapakinig at nakakapagbasa ng Salita Mo. Ako iyong lalong ilapit sa iyo. Mas makilala kita at mas masamba kita ng aking buong puso.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Nehemiah 5-6

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions