February 7, 2025 | Friday

UVCC Daily Devotion

Ang Kabutihan Ng Diyos

Today's Verses: Genesis 3:21 (ASND) 

Pagkatapos, gumawa ang Panginoong Dios ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito.


Read Genesis 3

Mabuti ba sa iyo ang Diyos?


Matapos magkasala si Adan at Eva, napansin nilang sila’y hubad at nagtago sa Diyos. Pagtapos silang tanungin ng Diyos, ipinahayag ang mga parusa sa kanilang kasalanan. Ngunit sa Kanyang awa, gumawa Siya ng mga balat ng hayop upang takpan ang kanilang kahubaran, nagpapakita ng Kanyang pagmamahal at pag-aalaga sa kabila ng kanilang pagkatalo.


Ang kabutihan ng Diyos ay nararamdaman pa rin natin kahit sa gitna ng Kanyang pagdidisiplina sa atin. Kahit tayo ay humaharap sa mga consequences dulot ng ating mga kasalanan, masasabi pa rin natin na ang kabutihan ng Diyos ay nariyan at ramdam na ramdam. Isipin mo ang iyong mga kakulangan sa Diyos. Isama mo na ang mga pagsuway natin kahit nangako tayong susunod na tayo sa Kanya. Mas pinili man nating sundin ang ating sarili o ang masamang impluwensya ng iba, ang Diyos ay patuloy na nagpapakita ng kabutihan. Siguradong hindi Siya nangungunsinti o nagbabalewala ng ating mga kasalanan. Siya ang nagpapataw ng parusa kung kinakailangan upang tayo'y matauhan. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, Siya pa rin ay mabuti at patuloy tayong ginagawan ng kabutihan. Ang Kanyang pagdidisiplina at ang Kanyang pagkalinga sa atin ay parehong bahagi ng Kanyang kabutihan. Yan ang ginawa Niya kay Adan at Eva nang sila'y magkasala. Yan din ang ginagawa Niya sa atin. Napakabuti ng Diyos!


Pansinin ang kabutihan ng Diyos. Manumbalik sa Kanya sa tuwing tayo ay nagkakasala. Huwag tayong magtampo sa Diyos kapag tayo’y Kanyang dinidisiplina. Maging puno tayo ng kapakumbababaan sa paglapit muli sa Diyos. Alam Niya ang lahat ng ating pagkakamali. Alam Niya ang lahat ng ating pagsuway. Sa Kanyang kabutihan, matuwid at puno ng pagmamahal kapag Siya ay nakikitungo sa atin. Ipagsabi ang na ang Diyos ay mabuti. Iparamdam sa mga taong naliligaw at matigas ang puso ang kabutihan ng Diyos.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, sinasamba kita sa Iyong kabutihan. Tunay na puno ka ng pag-ibig kahit ako’y makulit sa pagsuway. Panginoon, tulungan mo akong tumugon ng may pagsisisi sa Iyong kabutihan. Maraming salamat.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Ezra 9-10

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions