February 5, 2025 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
Kumikilos Pa Rin Ang Diyos
Today's Verses: Genesis 1:1-2 (ASND)
Nang pasimula, nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. 2 Ang mundo noon ay wala pang anyo at wala pang laman. Ang tubig na bumabalot sa mundo ay balot ng kadiliman. At ang Espiritu ng Dios ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig.
Read Genesis 1
Mapipigilan ba ang pagkilos ng Diyos kahit sa gitna ng iyong nararanasang madilim na problema?
Sa simula, nilikha ng Diyos ang kalangitan at lupa. Ang lupa ay walang anyo, madilim, at ang tubig ay sumasakop sa buong paligid. Habang ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng tubig, nagsimula ang unang hakbang ng paglikha. Ang lahat ay magulo at walang buhay, ngunit ang presensya ng Diyos ay naghahanda sa pagbuo ng isang bagong mundo.
Anuman ang kadiliman sa paligid o sa iyong buhay, kumikilos pa rin ang Diyos. Bilang tao, tayo ay umaasa sa ating nakikita, naririnig, o nararamdaman. Ang ating mga desisyon sa buhay ay madalas na apektado ng ating naiisip batay sa ating nakikita, naririnig, o nararamdaman. Kapag may mga madilim na problema, tayo ay nagiging limitado sa maraming bagay. Nagiging magagalitin tayo dahil sa ‘pressure’ na ramdam natin, o di kaya’y sa ating pananahimik hindi tayo makapag-isip ng solusyon dahil tayo’y nababagot at nagugulumihanan na. Iba ang Diyos sa ganitong pagkakataon. Magagawa Niya pa ring kumilos kahit may kadiliman. Walang problema ang mas malaki sa Kanya. Kaya Niya pa ring gumawa ng himala kahit sa anumang mahirap na sitwasyon. Alam natin na nilikha ng Diyos ang langit at lupa, kahit na may kadiliman o kawalan. Walang mahirap sa Diyos. Walang imposible sa Kanya. Expert ang Diyos sa mahihirap na sitwasyon. Kung kaya Niyang gumawa ng imposible noon sa pamamagitan ng Sangnilikha o ‘Creation,’ Siya ba ay kayang limitahan ng ating mga madilim na problema’t pagsubok?
Lumapit sa Diyos sa oras ng iyong madilim na problema. Pwede mo pa ring maranasan ang kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos anuman ang iyong sitwasyon. Huwag mawalan ng pag-asa. Ituon ang iyong atensyon sa Kanya. Aminin na may problema pero iwasan maging problemado. Dalin ang lahat ng iyong problema sa Diyos. May magagawa pa rin siya kahit sa ating imposibleng sitwasyon.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, kumilos po Kayo sa aking buhay. Sa Iyo po ako nagtitiwala. Aking ipinagkakatiwala ang aking mga dalahain at bagabag sa aking buhay. Sa iyong paanan aking inihahain ang aking buhay kasama ng lahat ng problema ko.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
May dahilan ba para hindi ka maniwala sa Diyos?
Ano ang mga hadlang upang ang Diyos ay malayang makakilos sa iyong buhay?
Paano makipag-isa sa gawain at plano ng Diyos na iyong buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions