February 6, 2025 | Thursday
UVCC Daily Devotion
Makadiyos Na Trabaho At Pahinga
Today's Verses: Genesis 2:3 (ASND)
Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat.
Read Genesis 2
Mahalaga ba sa iyo ang pagpapahinga pagkatapos magtrabaho?
Ang Genesis 2 ay nagsalaysay na matapos likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, binigyan Niya ng pagpapala ang ikapitong araw at itinuturing itong banal. Ayon sa manunulat, pinili ng Diyos ang magpahinga mula sa Kanyang gawain ng paglikha. Ang araw na ito ay itinatag bilang isang modelo ng kapahingahan at pagkilala sa kabutihan ng Diyos. Ang pagpapala at kabanalan ng araw na ito ay nagbigay halaga sa pahinga at sa relasyon ng tao sa Lumikha.
Pag-usapan natin ang tama at maling pang-unawa sa pagpapahinga. Mahalaga ang pahinga pagkatapos magtrabaho, pero maaari bang magpahinga nang hindi pa nagtatrabaho o kulang pa sa trabaho? Minsan, may mga tao na nagtatanong tungkol sa maling pananaw ng marami na ang pagpapahinga ay madalas nagiging dahilan sa katamaran. Sa kabilang banda, may iba naman na sobra sa trabaho, pagod na pagod at kulang sa pahinga, kaya’t hindi na nagiging maayos ang kanilang ginagawa. Meron ding mga taong tama lang ang balanse. Ngunit ano nga ba ang makadiyos na pananaw sa pagpapahinga? Sa Genesis, itinakda ng Diyos ang pitong araw ng paglikha. Anim sa mga araw ay trabaho, at sa ikapitong araw, Siya ay nagpahinga. Kung gagamitin natin ang math, 6:1 ang ratio ng trabaho sa pahinga—86% trabaho at 14% pahinga. Kaya kung ituturing natin na 50% trabaho at 50% pahinga, may pagkakamali sa ating pananaw. Ang mahalaga ay ang pagiging tapat at committed sa trabaho tuwing mga araw ng trabaho, at pagiging tapat din sa pahinga kapag nararapat nang maghinga.
Gawing maka-Bibliya ang ating pananaw sa pagpapahinga. Mag-join ng small group Bible study. I-enjoy ang iyong gawain bilang pagpapakita ng pasasalamat sa lakas at galing na kaloob ng Diyos. Kung laging pagod o sobra sa pahinga, hindi natin magagampanan ng tama ang pagsamba at pagpapasalamat sa kabutihan ng Diyos. I-review ang iyong lingguhang schedule. Mag-repent sa sobrang pahinga o sobrang trabaho. Igalang ang Diyos at magpasalamat sa Kanyang mga gawa at maging sa iyong pagpapahinga.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ramdam ko ang pagod sa buhay. Ako man ay pagod sa physical o emotional, ako ay iyong bigyan nararapat na pagpapahinga. Bigyan mo rin ako ng sipag at maayos na trabaho bilang aking paggalang at pasasalamat sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit mahalaga ang makadiyos na pagpapahinga?
Ano ang tamang pananaw sa pagtatrabaho at sa pagpapahinga?
Paano magagawa na maging magalak at mabunga ang aking pagtatrabraho?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions