February 17, 2025 | Monday
UVCC Daily Devotion
Ang Maging Daluyan Ng Pagpapala
Today's Verses: Genesis 9:12-13 (ASND)
At sinabi pa ng Dios, “Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa mga hayop, at sa lahat ng susunod n’yo pang mga henerasyon, maglalagay ako ng bahaghari sa ulap.
Read Genesis 9
Pwede bang maging daluyan ng pagpapala ang isang taong sumasamba at sumusunod sa Diyos?
Ayon sa Genesis 9:8–9, matapos ang malaking baha, si Noe at ang kanyang pamilya ay nagpatuloy sa kanilang buhay sa ibabaw ng mundo. Sa kabila ng mga nangyari, ipinangako ng Diyos kay Noe at sa lahat ng buhay na hindi na muling lilipulin ng baha ang mundo. Bilang tanda ng tipan, nagbigay Siya ng bahaghari sa kalangitan, simbolo ng Kanyang pangako sa buong sangnilikha.
Ang saya ng sumunod sa Diyos! Tiyak na may kaligayahan ang isang tao na nagiging daluyan ng pagpapala. Isipin ang kasiyahan ng isang tao na nagiging pagpapala sa iba. Lalo na kung sanay kang magpasaya ng ibang tao, may dagdag na sigla kapag alam mong ikaw ay instrumento ng Diyos. Nangyari ito sa buhay ni Noe. Dahil sa kanyang maayos na relasyon sa Diyos, pati ang kanyang pamilya at ang mga hayop kasama sa arko ay nakinabang sa kanyang pagsunod sa Diyos at pagiging daluyan ng pagpapala. Kung ang isang tao ay maaaring magdala ng pagpapala sa kanyang pamilya dahil sa pagsunod sa Diyos, ano naman ang epekto sa pamilya ng isang tao na hindi sumusunod sa Panginoon Jesus? Ito ang katotohanan. Kaya't ikaw ay may ‘choice’ — may kakayahan kang magdesisyon na maging malapit sa Diyos, sumamba sa Kanya, at sumunod sa Kanyang mga utos. Ang desisyon mo ay makakaapekto hindi lamang sa iyong buhay, kundi pati na rin sa buhay ng iyong pamilya.
Naisiin na sumunod sa Diyos. Magpakumbabang lumapit sa Diyos at humingi ng kakayanang makasunod sa Kanya. Hindi pa huli para magsisi at manumbalik sa Diyos. Kaya ng Diyos na isaayos ang detalye ng iyong buhay. Magdesisyon na at huwag mag-atubili na magpasakop sa kalooban ng Diyos. Manalangin. Mag-commit. Magpatuloy.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, nais kong maging daluyan ng Iyong pagpapala para sa aking pamilya. Nauunawaan ko na paglapit at pagsunod sa Iyo ay may dala-dalang basbas at pagpapala.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano kaibahan ng maging daluyan ng pagpapala kumpara sa maging daluyan ng pagpapalo?
Paano maging daluyan ng pagpapala ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions