February 19, 2025 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

Pakikiisa Sa Pagkakaisa Sa  Diyos

Today's Verses: Genesis 11:9 (ASND)

Ang lungsod na ito ay tinawag na Babel dahil doon pinag-iba-iba ng Panginoon ang wika ng mga tao, at mula roon ay pinangalat niya sila sa buong mundo.


Read Genesis 11

May feeling ka ba minsan na hindi sang-ayon ang Diyos sa ginagawa mo?


Ang mga tao sa Babel ay nagtayo ng isang tore bilang simbolo ng kanilang lakas at pagkakaisa. Ngunit nakita ito ng Diyos at nagpasya siyang gawing magulo ang kanilang mga wika upang hindi sila magkaintindihan. Dahil dito, nagkalat sila sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at ang lugar ay tinawag na Babel, mula sa salitang "kalituhan." Ang Diyos, sa pamamagitan ng pagkalito ng wika, pinigilan ang kanilang mga plano at nagdulot ng kanilang paghihiwalay, kaya’t ang tore at ang lungsod ay naging simbolo ng kanilang pagkatalo.


Ansayang isipin kapag alam mong suportado ng Diyos ang mga naisin mo at plano mo sa buhay. Nakakalungkot naman kapag alam mo at ramdam mo na ang Diyos ay hindi sang-ayon sa iyong plano o ginagawa. May mga panahon na kahit sinisikap mong kumbinsihin ang iyong sarili, lalo lang lumalala ang sitwasyon at lalong hindi nawawala ang mabigat na pakiramdam mo. Sa ganitong mga pagkakataon, mahirap man bumagal o mag-“pause” at magsimulang magtanong ng tamang tanong, nararapat na bida pa rin dapat ang kalooban ng Diyos. Mahirap man magpakumbaba at humingi ng gabay mula sa Diyos, ito pa rin ang tama. Ang mga sagot ay hindi palaging dumarating agad. Ngunit ang pana-panahon ng pagkakataon ay pumapaling sa mas mataas na pananaw. Baka kailangan lang natin ng bagong direksyon, ng mas matibay na pananampalataya, o kaya naman ay isang pagbabago sa ating puso at isip. May takot man, ang plano ng Diyos pa rin ang tama. Sa huli, ang pakikiisa sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay pakinabang pa rin sa atin — higit pa sa ating mga inaasahan.


Makiisa sa kalooban ng Diyos. Kung may hirap sa pakikiisa sa kalooban ng Diyos, higit na mas mahirap ang kumontra sa kalooban ng Panginoon. Humingi ng tulong sa iba. Nakakahiya man umamin na na hindi mo alam ang ilang bagay-bagay sa buhay, mas nakakahiya na pumalpak sa buhay dahil sa kayabangan. Sa iyong pagpapakumbaba at pagsunod sa Diyos, antabayanan ang pagpapala ng Diyos at antabayanan ang pagtatanggol ng Diyos.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, patawarin mo ako sa aking pakikiisa sa mga lumalabag sa iyong kalooban. Ngayong araw, gabayan Mo ako tungo sa pakikiisap ko sa mga nagkakaisa na sumusunod sa Iyong kalooban.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Esther 1-2

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions