February 20, 2025 | Thursday

UVCC Daily Devotion

Pagsunod At Pagsamba Sa Diyos

Today's Verses: Genesis 12:8 (ASND)

Mula roon, lumipat sila sa bundok na nasa silangan ng Betel, at doon sila nagtayo ng tolda, sa kalagitnaan ng Betel at Ai. Ang Betel ay nasa kanluran at ang Ai naman ay nasa silangan. Gumawa rin doon si Abram ng altar at sumamba sa Panginoon


Read Genesis 12

Ang pagsunod at pagsamba mo ba sa Diyos ay masasabi mong tunay?


Matapos dumaan sa Bethel, nagtungo si Abraham sa isang bundok na nasa silangan ng nasabing lugar bilang pagsunod sa Diyos. Dito, nagtayo siya ng altar bilang tanda ng kanyang pagpaparangal sa Diyos. Patuloy siyang nagdasal at nagsambang taimtim, ipinapakita ang kanyang tiwala sa Diyos sa bawat hakbang ng kanyang paglalakbay patungo sa ipinangako nitong lupa.


Exciting na pagsamahin ang pagsamba sa Diyos at ang pagsunod sa Kanya bilang Panginoon. Ang pagsamba at pagsunod ay mahirap paghiwalayin. Kung aalisin ang isa, damay na mawala na rin ang isa. Ibig sabihin, kung walang pagsunod, walang tunay na pagsamba, at kung may pagsunod, tiyak ay may pagsamba. Iyan ang ipinapakita ng unang bahagi ng Genesis 12 sa buhay ni Abram. Siya ay sumamba dahil siya ay sumusunod. Kaya’t ang hamon sa mga makabagong Kristiyano ngayon ay kung "legit" ba talaga ang kanilang pagsunod at pagsamba. Ang Kristiyanong tunay na sumusunod sa Diyos ay sumasamba sa Kanya. Ang Kristiyanong sumasamba sa Diyos ay sumusunod sa mga utos at alituntunin Niya. Hindi natin pwedeng lokohin ang sarili natin. Pwedeng magpanggap, pero tiyak na mahahalata rin ito sa kalaunan. Dahil dito, mahalaga ang pagsusuri sa ating sarili. Mahalaga rin na may mga tagapagdisipulo o gabay tayo at tayo mismo ay nagpapagabay. Ang buhay Kristiyano ay nagiging mas exciting at makulay kapag ang pagsamba at pagsunod ay tapat at tunay.


Unawain ang hindi mapaghiwalay na pagsamba at pagsunod sa Diyos. Siyasatin ang sarili sa kalidad ng pagsamba na ating iniaalay sa Diyos – sa simbahan man o sa pang-araw-araw na buhay. Aralin ang turo ng Biblia na ang pagsamba ay hindi lamang pag-awit o pagtugtog ng mga Christian songs. Kailangan itong makita sa ating galaw at pananalita na nagsisilbing patunay na tayo ay “legit” na tagasunod ni Kristo. Maaaring tayo ay magkamali pa rin sa buhay. Ngunit hindi mawawala ang pagsamba at pagsunod sa Diyos dahil sa buhay na kaloob Niya sa mga “legit” na sumasampalataya kay Jesu-Kristo … bilang Tagapagligtas at Panginoon.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, gawin mong tunay ang aking pagsamba at pagsunod sa Iyo. Nais kong mas maranasan ang iyong pagpapatawad at pagliligtas.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Esther 3-4

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions