February 22, 2025 | Saturday

UVCC Daily Devotion

Sigurado Ang Mga Pangako Ng Diyos

Today's Verses: Genesis 13:14–15 (ASND)

14Nang nakaalis na si Lot, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Mula sa kinatatayuan mo, tingnan mong mabuti ang paligid. 15Ang lahat ng lupain na maaabot ng paningin mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo, at magiging inyo ito magpakailanman.


Read Genesis 13

May kabuluhan pa rin sa ating panahon ngayon ang mga pangako ng Diyos?


Sa Genesis 13, pagkatapos maghiwalay ng landas nina Abraham at Lot, sinabi ng Diyos kay Abraham na itingala ang mata at tingnan ang buong lupaing nasa paligid. Ipinangako ng Diyos na ibibigay sa kanya at sa kanyang mga supling ang buong lupain, mula sa hilaga hanggang timog, silangan hanggang kanlurang bahagi. Binanggit ng Diyos na ang lupaing ito ay magiging pamana ng mga anak ni Abraham magpakailanman, isang pangako na maghuhubog sa hinaharap ng kanyang lahi.


Kahanga-hangang isipin na ang Diyos ay may mahigit 8,000 na mga pangako na nasa Biblia. Andiyan ang pangako ng kapayapaan sa isip at puso, kagalingan sa pisikal at emosyonal, kapatawaran sa kasalanan, buhay na walang hanggan, at marami pang iba. Lahat ng aspeto ng buhay natin ay sakop ng mga pangakong iyon. Ito man ay sa pamilya, sa pinansyal, sa materyal, o anumang pangangailangan natin, lahat ng ito ay sakop ng kapangyarihan at katapatan ng Diyos. Idagdag mo pa ang kabutihan ng Diyos. Siya ang Diyos na walang iniisip kundi ang kabutihan natin. Mabuti at totoo Siya. Wagas ang Kanyang pag-ibig sa atin. Kaya Niyang isakatuparan ang Kanyang mga pangako – lalo na’t si Jesus ay namatay at nabuhay na muli! Noong panahon ni Abram, gumalaw ang Diyos ayon sa Kanyang relasyon kay Abram. May mga blessings na natanggap si Abram dahil sa purong habag ng Diyos kahit wala pang pagsunod na ipinakita si Abram. May mga pangako namang tinupad ang Diyos dahil sa mga pagsunod ni Abram. Nakakatuwang isipin na tumutupad pa rin ng mga pangako ang Diyos hanggang sa panahon natin ngayon.


Palaguin ang iyong relasyon sa Diyos. Gusto ng Diyos na lumalim ka pa sa pagkakakilala sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang mga pangako. Alamin ang mga pangako sa iyo ng Diyos. Bigyan tugon ang kanyang panawagan sa iyo. Tumangan sa Kanyang katapatan sa pagtupad ng Kanyang mga pangako.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, naniniwala po ako sa Iyo. Tumatangan ako sa iyong katapatan. Nais kong maranasan ang katuparan ng Iyong mga pangako. Nais kong mas makilala Ka base sa Iyong mga pangako.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Esther 5-6

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions