June 11, 2024 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Safe Sa Piling Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 91:1–2 (ASND)

1Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Dios na Makapangyarihan ay kakalingain niya. 2Masasabi niya sa Panginoon, “Kayo ang kumakalinga sa akin at nagtatanggol. Kayo ang aking Dios na pinagtitiwalaan.”


Read Psalm 91

Saan kaya ang pinaka-’safe’ na lugar?


Para sa manunulat ng Psalm 91, ang pinakaligtas na lugar ay yung nasa piling ng Diyos. Kanyang binigyan diin na mainam na desisyon ang manahan at manatili kung nasan ang Diyos. Upang maisalarawan na hindi ligtas kung hindi kapiling ang Diyos, gumamit ang manunulat ng mga ‘metaphor’ tulad ng ‘palaso’, ‘sakit, ‘salot’, ‘kalamidad’, at iba pa. Para maisalarawan naman ang pag-iingat ng Diyos, ang mga salitang ginamit ng manunulat ay ‘lilim ng kanyang pakpak’ at ‘kanlungan’. 


Maraming banta sa kapakanan ng tao. Andyan na dumaan ang pandemic, ang mga sakuna, ang mga bagyo, mga giyera ng mga bansa, o mga karamdaman. Idagdag mo pa ang mga pag-aaway ng mga magkagalit, ang pagkakawatak ng mga pamilya, o di kaya’y ang gulo hatid ng kaguluhan sa gobyerno. Higit sa lahat ay ang mga ispiritwal na banta dala ng mga mga diablo at masasamang ispiritwal na nilalang. Ang dumaraming ‘false teachings’ at ‘half truths’ ang ilan pa sa mga ispiritwal na banta sa paligid. Sa dami ng mga problemang ito, saan pa kaya ang safe na lugar? Sa lahat ng banta na ito, sino pa kaya ang safe? Dahil dito, ang katotohanang hatid ng Psalm 91 ay nararapat nating pansinin – lalo na ng lumalagong mananampalataya ng Panginoong Jesus. May banta sa ating kaligtasan. Ngunit andiyan din ang pag-iingat ng Diyos. Ito ay may dalang pang gising na katotohanan: hindi para sa lahat ang pag-iingat ng Diyos, kundi para lamang sa mananahan, mananatili, at magtitiwala sa Diyos.


Mananahan at mananatili sa piling ng Diyos. Magtitiwala sa Panginoon Jesus. Maniwala sa katotohanan hatid ng Biblia. Sundin ang mga utos ng Diyos. Ang iyong kaingatan ay mahalaga. Bagamat meron at merong mga pwdeng panggalingan ng mga aksidente at mga kapahamakan, ligtas ka kapag ikaw ay nag-iingat – lalo na kung ikaw ay kapiling ng Diyos. 

Panalangin:

Diyos Ama, dalhin Mo ako sa piling Mo. Bigyan mo ako ng pananalig sa Iyo. Gawin mo akong mapagpakumbaba at masunurin. Bigyan mo ako ng masunuring puso na nananahan at nananatili sa piling Mo, at nagtitiwala sa Iyo.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Numbers 31-32

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions