June 7, 2024 | Friday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Love Song Para Sa Diyos

Today's Verses: Psalm 89:1-2 (ASND)

1Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin; ang katapatan mo'y laging sasambitin. 2Ang iyong pag-ibig walang katapusan, sintatag ng langit ang iyong katapatan.


Read Psalm 89

May love song ka para sa iyong minamahal. May love song ka rin ba para sa Diyos?


Ang psalm 89 ay isang ‘royal psalm’. Ibig sabihin, ito ay awit ng pagpapatungkol sa paghahari ng isang taong hari. Ito ay awit na pagpatungkol sa paghahari ng Diyos sa isang taong hari. Nakakawiling isipin na naipagsasama sa Awit 89 ang ganitong konsepto na paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng taong hari. May sampung royal psalms mula sa 150 chapters ng Psalms. Ito lahat ay inaawit ng may pag-ibig pabalik kay Yahweh na kanilang Diyos at Panginoon.


May awit ng pag-ibig na kumikilala sa pagiging hari ng Diyos. Bagamat ang ‘love songs’ na mga alam natin at naririnig natin ay patungkol madalas sa babae o lalaking minamahal, meron mga awitin na ang Diyos ang pinatutungkulan. May awitin na nagkekwento ng naranasang kabutihan ng Diyos. May awitin na nagsasalaysay ng mga pagbabagong nangyari sa buhay dahil sa Diyos. Pero walang iinam pa sa mga ‘lyrics’ na direktang kinakausap ang Diyos. Ito yung worship songs na may lyrics na mas tagos sa puso. Ang direktang pag-awit sa Diyos ay klase ng ‘love songs’ na walang padrino o tulay. Ang ganitong mga awitin ay ikaw at si Lord lang ang nag-uusap. Marinig man ito ng iba, hindi sila ang inaawitan mo. Hindi nagsasalaysay kung sino ang Diyos para sa iyo. Hindi testimony ang ‘love song’ sa Diyos. Hindi dito ‘third wheel’ si Lord. Sa ‘love songs’ na para sa Diyos, si Lord mismo ang kausap mo, si Lord mismo ang inaawitan mo, si Lord mismo ang audience mo, si Lord mismo ang tinititigan mo (by faith), at si Lord mismo ang inaakap mo. Ang ganitong mga awitin ay puno ng emosyon at ng katotohanan. 


Awitan mo si Lord ng mga awit na direkta sa Kanya. Mag-isa ka man o marami kang kasama, si Lord lang ang kausapin mo. Huwag mahiya umawit sa Diyos. Bigyan mo ng emosyon ang pagsambit mo ng mga awiting pagsamba sa Diyos. Kung sumasamba ka, dapat ay sumasamba ka. Wala ka dapat ibang ginagawa. 

Panalangin:

Diyos Ama, Ikaw ang aking aawitan. Ikaw ay hari. Ikaw ang aking Diyos. Walang katulad Mo. Napagtanto ko ngayon na hindi ko kayang mabuhay ng wala Ka.

Salamat. Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Numbers 27-28

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions