June 13, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Itinanim Sa Templo Ng Panginoon
Today's Verses: Psalm 92:12–13 (ASND)
12Uunlad ang buhay ng mga matuwid gaya ng mga palma, at tatatag na parang puno ng sedro na tumutubo sa Lebanon. 13Para silang mga punong itinanim sa templo ng Panginoon na ating Dios,
Read Psalm 92
Agree ka ba na ang tunay na Kristiyano ay umuunlad at tumatatag kung nakabilang at naka-commit sa isang local church?
Ang manunulat ng Psalm 92 ay inihalintulad ang mga matuwid sa mga púno ng palma at púno ng sedro. Inihayag ng manunulat na ang mga kapwa niya Israelita na nananampalataya kay Yahweh na kanilang Diyos, uunlad at lalago. Dagdag pa niya, ang mga matuwid na nananampalataya, sumusunod, at naglilingkod kay Yahweh siguradong namumunga ng sagana, luntian, at matatag kahit matanda na. Sila ay mga itinanim sa templo ng Panginoon.
Nakatutuwang pagmasdan ang isang Kristiyano na lumalago sa pananampalataya, sumasamba ng buong puso sa Diyos, at naglilingkod ng tapat sa ‘ministry’. Sila ang mga tipo ng Kristiyano na hahangaan mo, gagayahin mo, at ipagmamalaki mo. Marami mang hamon o pagsubok sa kanilang pananampalataya, sila ay lalong kumakapit sa Diyos. Ang pagpapakumbaba sa kanila ay hindi mahirap makita kasi sila ay humble at teachable. Magkamali man sila o magkasala, sila ay nanatiling sumasamba sa Panginoon – kasama ang mga kapatiran. Isang karaniwan na katangian ng mga ganitong Kristiyano ay may ‘commitment’ at ‘engagement’ sa isang local church. Sila ay tapat na member ng isang local church na si Jesus Christ ang Panginoon, Diyos, at Tagapagligtas. Sila ay may makatotohanang paglago dahil sila ay nakatanim sa isang local church. Sila ay namumunga ng sagana, luntian, at matatag kahit matagal ng Kristiyano. Sa kabaligtaran, mahihirapan na lumago, hirap manatiling luntian, at hirap maging matatag ang isang Christian na iniiwasan ang pakikipag-ugnayan at pananagutan kasama ang mga kapwa mananampalataya sa isang lokal na simbahan.
Panahon na para malalim na pag-isipan ang iyong pagiging Kristiyano. Kung ikaw ay ‘believer and follower of Jesus’ pero madalas na talunan ng problema at pagsubok, hirap lumago sa pagsamba at paglilingkod, o di kaya’y umiiwas sa pakikipag-ugnayan at pananagutan sa kapwa, panahon na para i-’evaluate’ o suriin ang iyong klase ng pagsamba sa Diyos. Panahon na para suriin ang iyong sarili sa klase ng iyong pakikipagkapatiran. Panahon na para ikaw naman ang mag-'adjust' para makasamba sa Diyos ng nararapat. Panahon na para ikaw naman ang mag-'adjust' sa iyong pakikipagkapatiran. Kung magkagayon at magtagumpay ka sa pag-'adjust', antabayan mo ang panahon na ikaw ay itataas ng Diyos tungo sa pagiging maunlad at pagiging matatag na Kristiyano sa iyong minamahal na local church - kung saan ka itinanim ng Panginoon.
Panalangin:
Aking Ama, turuan mo akong mahalin Ka at ang aking local church.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Paano maging maunlad at matatag na Kristiyano?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions