March 18, 2024 | Monday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Magpasalamat Dahil Sa Kabutihan Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 30:4-5 (ASND)

4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, kayong mga tapat sa kanya. Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal, ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman. Maaaring sa gabi ay may pagluha, pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.


Read Psalm 30 

Maraming mga nagkalat na dahilan at mga nag-aantay na katotohanan upang maging mapagpasalamat ang isang tao sa Diyos.


Sigaw ni Haring David ang kabutihan ng Diyos. Ang masiglang papuri niya ay para lamang sa Diyos na kanyang sinasamba. Dagdag pa dito, tinatawagan ng Hari ang mga tapat sa Diyos na magpasalamat din sa Panginoon. Ang Diyos ay mabuti magpakailanman, aniya. 


Ang pasasalamat sa Diyos ay isang uri ng papuri. Ang pagpupuri sa Diyos ay ang pananahimik mula sa ating mga kaabalahan, tumigil panandalian, isipin ang Diyos, magmuni sa Kanyang mga mabuting gawa, at magsimulang sambitin ang mga salitang “napakabuti ng Panginoon”. Kahit marami ang dahilan para magmukmok at magpatalo sa problema, mas maraming di hamak ang mga katotohanan para magpasalamat sa Diyos. Ang Diyos ay kapuri-puri dahil Siya ang lumikha ng langit at lupa! Tayo’y mahal Niya. Dahil dito ang Biblia ay nagpapahayag na purihin natin ang Diyos. Sobrang daming kabutihang ginawa ang Diyos para sa atin. Konting focused na pansin lamang ay sapat na para masabi ng taong nagugulumihanang na napakabuti ng Diyos. Kahit sa mga hindi kanais-nais na mga pangyayari ay may makukuhang rason para magpasalamat pa rin sa Diyos.


Tuklasin ang kabutihan ng Diyos. Halungkatin ang puso at matatagpuan ang katagang ‘mabuti pa rin ang Diyos’. Ugaliing magpasalamat. Iwaksi ang kawalan ng pag-asa. Alamin ang ating layunin. Ang mga sitwasyon mo sa buhay ay may itinatagong katotohanan tungkol sa kabutihan ng Diyos. Masigasig na magpuri sa Diyos.

Panalangin:

Mabuting Diyos Ama, salamat po sa Inyo. Ikaw na may kakayanang bigyan direksyon ang aking buhay at sigla ang aking pangangatawan, alay ko ay papuri at pasasalamat. Naniniwala ako na lilipas din ang anumang sigalot sa aking buhay. May gagawin ka muli na kabutihan. Kalaunan, ako ay lalo pang hahanga sa Iyo. Lalo mo akong pahangain sa Iyo.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Genesis 26-27

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions