March 19, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Pagmamahal Sa Diyos Ng May Katapatan
Today's Verses: Psalm 31:23-24 (ASND)
23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan. Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan, ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan. 24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob, kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.
Read Psalm 31
Ang pagmamahal sa Diyos kahit may nararanasang mga pighati ay nagbubunga pa rin ng pagsunod sa Panginoon.
Ang Psalm chapter 31 na isinulat ni David ay naglalaman ng kanyang mga matinding kalungkutan at katanungan sa buhay. May kaguluhan din sa kanyang isipan. Nagkaroon ng feeling si David na parang hindi nakikinig ang Diyos. Ngunit kilala niya pa rin ang Diyos. Alam niya pa rin ang kakayanan ng Diyos. Sigurado pa rin si David na totoo pa rin ang kanyang mga paniniwala sa Diyos. Kaya napayuhan niya pa rin ang kanyang sarili at kanyang mga kababayan na mahalin ang Diyos, magpakatatag sa buhay, at lakasan ang kani-kanilang loob.
Kaya pa ring ingatan ng Diyos ang mga nagmamahal sa Kanya. Ang matutunang mahalin ang Diyos ay nahuhubog ng panahon ng pamumuhay ng may katapatan sa Diyos. Kapag mas madali na hindi maging tapat sa Diyos kapag may mga katanungan at kaguluhan sa buhay, ibig sabihin lang niyan ay hindi pa nahuhubog ng sapat ng panahon ng pamumuhay ng may pagmamahal sa Diyos. Totoo na ‘it takes time & faithfulness’ na umangat sa lebel ng pakikipagrelasyon sa Diyos. Nakakamanghang isipin na ang Psalm chapter verse five ay sinambit ni Jesus bago siya mamatay dahil sa pagkapako sa krus.
Mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagiging tapat sa Kanya. Ang mga nararanasan nating problema sa buhay ay nagtuturo sa atin na maging tapat sa Diyos. Ang katapatan mo sa Diyos habang lumilipas ang panahon ay malakas na senyales na mahal mo ang Diyos. Katulad nating mga tao, katapatan din ang ebidensya ng tunay na pag-ibig. Kung mahal mo ang Diyos, magiging tapat ka sa pagsunod sa Kanya at sa relasyon mo sa Kanya – bilang iyong Diyos, Panginoon, at Tagapagligtas.
Panalangin:
Salamat sa Iyong pag-iingat sa amin, aking Diyos Ama. Ako ay nagtitiwala sa Iyo. Ang lahat ng aking mga kalungkutan at mga katanungan sa buhay ay aking ipinagkakatiwala sa Iyo. Tulungan mo akong maging matatag sa buhay. Tulungan Mo po akong maging tapat sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit ang pagiging tapat sa Diyos ay malakas na ebidensya ng tunay na pag-ibig sa Diyos?
Papaano maging mapagmahal sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions