March 2, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Panginoon Ay Pastol Na Mapagkakatiwalaan

Today's Verse: Psalm 23:1,6 (ASND)

1Ang Panginoon ang aking pastol, hindi ako magkukulang ng anuman. 6Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay. At titira ako sa bahay nʼyo, Panginoon, magpakailanman.


Read Psalm 23 

Ang pagiging pastol ng Diyos sa buhay ng tao ay hindi automatic. Kailangang payagan muna ang Diyos at kasunod ay sundin ang pangunguna Niya.


Ang Diyos ang pastol ni David. Ayon sa Psalm chapter 23, si Yahweh na lumikha ng langit at lupa ang ang kinikilala ni David na Tagapagpala, Tagapag-ingat, at Tagapanguna. Noong kapanahunan ni David, maraming tao sa iba’t-ibang bansa na ang kanilang pastol ay mga tao na nasa posisyon at may impluwensya. Si Haring David ay iba sa kanilang lahat! Hindi taong makapangyarihan o maimpluwensya ang kanyang pastol. Si Yahweh na Diyos at wala nang iba ang kanyang pastol. 


Kailangan natin ang Diyos bilang Tagapagpala, Tagapag-ingat, at Tagapanguna. Yan ang nilalaman at buod ng Psalm 23. Ang Diyos ay pastol. Sa New Testament, si Jesus ang ‘mabuting pastol’ na nagsakripisyo ng kanyang buhay para sa mga tupa. Siya din ay namatay at nabuhay na muli, at buhay magpakailanman. Alam ng Diyos ang maraming pangangailangan natin sa buhay. Kaya si Jesus na ang naatasan na maging pastol na Tagapagpala. Maraming mga panganib sa paligid na nakaamba. Kaya si Jesus ay pastol na Tagapag-ingat. Maraming boses sa paligid na sinusubukan tayong ma-impluwensyahan. Kaya sa ating buhay, higit na si Jesus ang mas karapat-dapat na maging Tagapanguna ng bawat tao. Mapagkakatiwalaan natin ang ating Panginoong Jesus.


Ipagkatiwala ang buhay mo kay Jesus. Ang bawat detalye ng buhay natin ay pwedeng ipagkatiwala kay Jesus. Wala itong sapilitan. Dapat kusa na mamuhay ng may pagtitiwala sa Kanya. Ang tiwala sa Diyos ay nag-uumpisa sa pagsuko ng ating buong pagkatao kay Jesus. Ang ugaling may pagsuko ang kailangang lumalago tungo sa lumalalim na relasyon. Ang relasyon na ito sa Diyos ay lalawak araw-araw sa pagtitiwala sa Diyos. Pagkatiwalaan natin ang DIyos sa bawat detalye ng ating buhay. Mas alam niya ang best para sa ating lahat. Si Jesus ay mabuti. Si Jesus ay pastol ng mga nagtitiwala sa Kanya.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, patawarin mo ako sa lahat ng aking pagdududa at pag-aalala. Ngayon, nais ko na magtiwala sa Iyo. Pagpalain Mo po ako. Ingatan Mo po ako. Pangunahan Mo po ako. Maraming salamat. 

Sa pangalan ng aking Pastol na si Jesus, Amen. 

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Genesis 12-13

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions