February 27, 2024 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Diyos Ay Makapangyarihan

Today's Verse: Psalm 21:13 (ASND)

Panginoon, pinupuri namin kayo dahil sa inyong kalakasan. Aawit kami ng mga papuri dahil sa inyong kapangyarihan.


Read Psalm 21 

Ang Diyos ay makapangyarihan dahil kaya Niyang magbigay ng pagpapala, kalakasan, at ng pag-iingat.


Aminado si Haring David na ang kanyang pagiging hari, at ang lahat ng pagpapala na meron siya, kapangyarihan niya bilang hari, at pag-iingat mula sa masasama ay mula lahat sa Diyos. Ang mga kahilingan ni David ay ipinagkaloob ng Diyos. Ang karangalan niya bilang hari ay kaloob din ng Diyos. Alam ni David na kinilala ng Diyos ang kanyang pagtiwala. Kaya anuman ang pagbabanta sa paligid, ang Hari ay ligtas dahil kay Yahweh. Dahil dito, dinakila ni David ang Diyos ng may awit at pagpupuri.


Ang Diyos ay makapangyarihan pa rin hanggang sa panahon natin ngayon. Kaya Niyang pagpalain ang sinuman na gusto Niyang pagpapalain. Aminin natin o hindi, alam natin na anumang pagpapala meron tayo ay mula sa Diyos. Sa kabutihan ng Diyos, ninais Niyang tayo ay bigyan ng buhay. Sa kapangyarihan ng Diyos, ipinagkaloob Niya ang mga pangangailangan natin. Maging ang anumang kakayanan o kasanayan na meron tayo ay mula din sa Diyos. Nagagawa nating mag-aral o maghanapbuhay dahil sa samu’t-saring kaloob ng Diyos. Ang pinakamatindi sa lahat, ang Diyos ay mabuti na, makapangyarihan pa.


Kilalanin ang Diyos na sa iyo’y nagbigay buhay. Gawin naitn ang mabuti na dapat mong gawin o anumang magpapasaya sa iyo. Ngunit alalahanin natin at huwag nawang makalimutan, na ang lahat na meron tayo ay mula lahat sa Diyos. Dakilain Siya sa pamamagitan ng ating mga awit. Purihin natin Siya sa Kanyang kabutihan. Pasalamatan ang Diyos sa Kanyang pag-iingat sa atin. Buhay pa tayo hanggang ngayon dahil sa Kanyang kapangyarihan. Siya ang Diyos na lumikha ng langit, ng lupa, at ng buong sansinukob. Tayo’y manahimik panandalian anuman ang ating kaabalahan, at sambahin natin ng sama-sama ang Diyos na makapangyarihan.

Panalangin:

Panginoong Diyos na aking Ama, madakila kita sa simpleng panalangin na ito. Mapapurihan ka maging sa aking mga awit at pamumuhay. Kulang ang buhay ko para pasalamatan ka sa iyong kabutihan at kapangyarihan. Ganunpaman, sasabihin ko pa rin: maraming maraming salamat po sa Iyo. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen. 

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Genesis 9-10

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions