February 24, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Umaasa At Nagtitiwala Sa Diyos

Today's Verse: Psalm 20:7 (ASND)

May mga umaasa sa kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma, ngunit kami ay umaasa sa Panginoon naming Dios.


Read Psalm 20 

Malaki ang kalamangan sa buhay ng mga taong umaasa at nagtitiwala Sa Diyos. 


Si David bilang hari ay araw araw na humaharap mga hamon o suliranin sa kanyang pamumuno. May mga kaguluhan na kinakailangang niyang harapin, mga pagsubok na kailangan niyang suungin, mga situwasyon na kailangan niyang pagdesisyunan. Sa lahat ng ito ang hiling ni David sa Diyos ay gabayan ang kanyang puso, proteksyunan ang kanyang mga nasasakupan, at sagutin ng Diyos ang kanyang mga kahilingan. Naniniwala si Haring David na ang Diyos ang pinangagalingan ng kanyang mga tagumpay. Kaya lalong nagtitiwala si Haring David sa Panginoong Diyos kesa sa mga anumang bagay sa paligid. 


Tayo ay tinatawag na umasa at magtiwala sa Diyos. Kahit may mga nakikita tayong mga bagay, mga tao, o mga pamamaraan na sa ating palagay ay mas high tech at parang mas makakatulong sa atin, ang Diyos pa rin ang ating asahan at pagtiwalaan. Ang nagtitiwala sa Diyos ay mas malayo ang nararating. Ang umaasa sa Diyos ipagtatanggol ng Diyos. Hindi babalewalain ng Diyos ang ating pagtitiwala sa kanya. Gagalaw at gagalaw siya. Gagawa ang Diyos ng paraan para tayo ay bigyang tagumpay. Alalahanin ng Diyos ang anumang sakripisyo natin para sa Kanya. Ililigtas ng Diyos ang Kanyang mga anak na umaasa sa Kanya. 


Umasa tayo sa Diyos. Alam ng Diyos kung sino ang may tiwala sa Kanya. Maliit man ang ating pananampalataya, igagalang ng Diyos ang ating pagkilala, pagsamba at paglilingkod sa Kanya. Magtiwala sa Diyos. May mga bagay at mga tao man na maaaring paglagakan ng ating tiwala, pero  iba pa rin kung si Lord ang ating ‘source of hope’. May kakayanan ang Diyos na gawin ang lahat ng kanyang mga pangako. Kaya, mas laliman natin ang pakikipag-niig sa Diyos. Sanayin ang ating puso’t isipan na magfocus sa Diyos. Anumang umaagaw ng ating pansin, iwaksi na ito at tumutok sa ating relasyon sa Diyos.

Panalangin:

Diyos Ama, salamat sa iyong pag-iingat at pagpapala. Salamat po sa Iyong special na pabor na iyong ibinibigay sa akin at sa aking pamilya. Turuan mo akong umasa sa iyong habag. Magawa ko ang aking panawagan mula sa iyo. May tagumpay sa piling mo, O Diyos.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Genesis 7-8

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions